Ni: Joseph Jubelag
KORONADAL CITY, South Cotabato – Binuwag ng anti-narcotics operatives ng gobyerno ang isang big-time drug syndicate na kumikilos sa Koronadal City at sa mga kalapit na lugar, kasunod ng pag-aresto sa lider nito noong Linggo, na nakumpiskahan din umano ng P500,000 halaga ng shabu at ilang baril.
Inihayag ni Cesario Gil Castro, Philippine Drug Enforcement Agency regional director para sa Socsksargen region, na tinulungan ang PDEA agents ng grupo ng Special Action Force (SAF) ng pulisya at ilang sundalo mula sa Joint Task Force Gensan, nang salakayin ang bahay ni Ruel Espinosa sa Barangay General Paulino Santos at ang kanyang rice mill sa Barangay Santo Niño sa lungsod.
Nakumpiska umano sa raid ang 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000 at ilang baril kabilang ang dalawang M-14 rifle, isang rifle grenade, isang .45 caliber pistol, at isang .22 caliber rifle.
Ayon kay Castro, pagmamay-ari umano si Espinosa ng El Patron drug ring na may kaugnayan sa pinahihinalanag drug lord na si Kerwin Espinosa.
Sinabi ni Castro na ginamit ng suspek ang rice trading business nito upang makapagpuslit at makapagbenta ng droga, na mariin namang itinanggi ni Espinosa.
“The arrested suspect is considered a local drug lord,” ani Castro.