Ni BELLA GAMOTEA
Aabot sa halos P300,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska umano mula sa isang Bangladeshi sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang hotel sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Nasa kustodiya ngayon ng tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City ang naarestong si Mohammad Ansur Rahman, nasa hustong gulang, na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
Batay sa ulat, nadakip ng mga tauhan ng PDEA ang suspek sa isang hotel room sa Taft Avenue, dakong 10:00 ng gabi.
Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer ng shabu sa halagang P1,000 sa dayuhan, na hindi na nagawang makapalag nang posasan ng mga awtoridad sa aktong iniaabot ang ilegal na droga sa buyer.
Nasamsam umano kay Rahman ang 50 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P300,000, P1,000 marked money, wallet, at cell phone.
Nabatid na ikinasal si Rahman sa isang Pilipina at may isang taon nang naninirahan sa bansa.