Nina FER TABOY at JEFFREY DAMICOG, May ulat nina Beth Camia at Light Nolasco

Hindi si Reynaldo “Kulot” De Guzman ang bangkay na natagpuang nakalutang sa isang sapa sa Barangay Kinabauhan, Gapan City, Nueva Ecija noong nakaraang linggo.

Ito ang nabunyag sa resulta ng DNA test ng Philippine National Police (PNP) kahapon.

Ayon kay Deputy Director General Fernando Mendez, ang buccal swabs na nakuha sa mga magulang ng 14-anyos na pinaniniwalaang si De Guzman ay hindi tumutugma sa DNA test.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

“We got buccal swabbing, samples from the mouth of the parents,” sinabi ni Mendez sa press conference sa Camp Crame kahapon.

Dahil dito, naniniwala ang pulisya na posibleng buhay pa ang binatilyo.

PAO NANINDIGAN

Ikinagulat naman ni Public Attorneys’ Office (PAO) Chief Persida Acosta ang iniulat ng PNP na resulta ng DNA, at iginiit na si De Guzman ang bangkay.

“Ang mga magulang ni Kulot ang mismo ang nag-identify sa cadaver,” sinabi ni Acosta sa press conference kahapon. “May nakita sila na palatandaan o balat.”

Ayon kay Acosta, hindi maingat ang paghawak sa DNA samples ay hindi ito maituturing na 99.9 percent na accurate.

“Ang DNA reliable ‘yan kapag ang specimen ay safe specimen,” paliwanag ni Acosta. “Kapag contaminated, hindi po tumatama ang findings.

Kinukuwestiyon ngayon ni Acosta kung sino ang humiling na magsagawa ng DNA test sa binatilyo.

GIIT NG PULIS:

NANLABAN SI CARL

Huling nakita si De Guzman noong Agosto 18 kasama ang 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz sa kanilang lugar sa Cainta, Rizal.

Kasabay naman ng paglantad nitong Linggo ng taxi driver na nagsabing hinoldap siya ni Arnaiz, iginiit ng mga pulis-Caloocan na napatay sa shootout ang teenager dahil nanlaban ito—na taliwas naman sa pagsusuri ng PAO forensics experts na nagsabing pinosasan at binugbog bago pinatay si Arnaiz.

SINO ANG BANGKAY?

Dahil sa resulta ng DNA test ng PNP, sumulpot ngayon ang panibagong katanungan kung sino ang bangkay ng bata na natagpuan sa sapa sa Gapan nitong Setyembre 5, at inakalang si De Guzman.

Ang bangkay ay may 28 saksak sa katawan at nakabalot ng packaging tape ang ulo at nasa 12-24 na oras pa lang na namamatay.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Pedro “Jun” Roque, hepe ng National Bureau of Investigation (NBI)-Nueva Ecija na mayroon silang footages ng closed-circuit television (CCTV) na kuha sa dinaanan ng sasakyang ginamit sa pagtatapon ng bangkay ng bata nitong gabi ng Setyembre 4.

Gayunman, palilinawin pa ang kuha ng footages na nai-record simula 10:00 ng gabi ng Setyembre 4 hanggang 1:00 ng umaga ng Setyembre 5.