NATULDUKAN ng De La Salle University ang two-game skid nang sopresahin ang National University kahapon sa men’s division ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Ginapi ng Green Spikers ang Bulldogs, 31-29, 25-23, 20-25, 19-25, 15-6, para sa 2-2 karta.

Nanguna si Arjay Onia sa naiskor na 21 puntos, tampok ang 18 kills para sandigan ang Taft-based squad, habang nag-ambag sina Raymark Woo at Cris Dumago ng tig-15 puntos at kumana si Joshua Jose ng 13 puntos.

Bagsak ang NU sa 0-2.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Kumubra naman ng 16 puntos si Fauzi Ismail at nagsalansan ng 14 puntos si Bryan Bagunas para sa Bulldogs. Nagtumpok ng pinagsamang 21 puntos sina Francis Saura at Kim Malabunga.

Nakapasok naman sa win column ang San Beda College nang maungusan ang UAAP contender University of the Philippines, 25-22, 25-22, 25-19.

Hataw si Jomaru Amagan sa naiskor na 14 puntos para sa unang panalo ng Bedans sa tatlong laro.