NEW YORK (AP) — Perpekto ang tambalan nina Martina Hingis at Jamie Murray.
Sa ikalawang Grand Slam tournament, tinanghal na kampeon sina Hingis at Murray nang pagbidahan ang US Open mixed doubles title nitong Sabado (Linggo sa Manila) nang gapiin ang tambalan nina Michael Venus ng New Zealand at Chan Hao-Ching ng Taiwan, 6-1, 4-6, 10-8.
Tangan nila ang 10-0 marka mula nang simulan ang tambalan nitong Enero sa Australian Open.
“It’s a long way to go until next year,” pahayag ni Hingis.
Iginiit ni Hingis na matapos ang panalo sa Wimbledon, kaagad nilang plinano ang diskarte sa New York. Ito rin ang formula na gagamitin nila para sa susunod na season. At tila hindi na matutuloy ang naipahayag ni Hingis na titigil sa laro sa kanyang ika-37 kaarawan sa Oktubre.
“We said yes, if we go to Australia, everyone is healthy and playing. So that’s not an issue this time, I believe,” aniya.
Eksaktong 20 taon ang nakalilipas mula nang makamit ang US Open singles title, nakopo ni Hingis ang ika-24 na Grand Slam title, kabilang ang lima sa Flushing Meadows. Napagwagihan ng International Tennis Hall of Fame ang limang singles, 12 doubles, at pitong mixed doubles.
Target niya ang No. 25 sa pagsalang sa women’s doubles finals sa Linggo (Lunes sa Manila) katambal ang kapatid ni Chan.
Nakamit naman ni Murray, nakatatandang kapatid ni 2012 US Open champion Andy Murray, ang ikatlong Grand Slam mixed doubles title.
“It’s been a lot of fun for me. Like, a great opportunity for me to compete with Martina,” ayon kay Murray.