By: Reggee Bonoan
NAKAKATUWA si Ronnie Liang, laging nangungumusta kahit wala siyang project, pero ngayong kasama siya sa Fan Boy/Fan Girl nina Julian Trono at Ella Cruz ay kami naman ang nangumusta.
Sayang nga at hindi namin siya nakatsikahan sa premiere night ng pelikula last Monday dahil sa rami ng tao ay hindi na namin siya nakita.
“Nakita ko po kayo, pero bigla kayong nawala, kumusta po?” sagot ni Ronnie.
Biglang natawa ang singer/actor nang sabihin naming kumo-Korean ang image niya. Mr. Goon kasi ang pangalan ng character niya sa Fan Boy/Fan Girl at may tumatawag naman ng Mr. Edmund na papel niya sa 100 Tula Para Kay Stella. Siya ang may-ari ng Tipsy Tarsier bar na pago-auditionan sana ni JC Santos bilang si Fidel pero hindi natuloy.
Tulad sa Stella, hindi man kalakihan ang exposure ni Ronnie sa Fan Boy/Fan Girl ay markado naman dahil napagkamalan siyang si Park Hae Jin na lumabas bilang suporta sa koreanovelang My Love From The Star at Doctor Stranger, at lead role naman sa Bad Guys, Cheese in the Trap at Man to Man.
“Okay lang ‘yun, Reggee at least visible. Sabi nga ni Boss Vic (del Rosario) paunti-unti dadating din sa magandang role. Bit role pero may marka,” esplika ng binata.
In fairness, bagay na gumanap si Ronnie bilang Korean. Mukha talaga siyang Koreano at sa katunayan bilang si Mr. Goon sa pelikula nina Julian at Ella ay may dialogue silang Korean, “’Yung linya ko po talaga doon sa movie Korean language talaga siya, inaral namin,” saad ng binata.
Pero siyempre, kahit umaarte sa harap ng kamera ay singing pa rin ang main career niya at marami nga raw siyang shows
“Isinasama po ako madalas ng Viva sa concert with Sarah Geronimo and JaDine (James Reid at Nadine Lustre),” say ng binata.
“May TV series din kami sa Cignal TV, serye sitcom ng Viva sa Sari-Sari Channel, lead po ako doon,” sabi pa niya.
Kaya naman abut-abot ang pasalamat ni Ronnie sa kanyang Viva management.
“Sobrang pasalamat po ako sa Viva management, kina Boss Vic, Ma’am Veronique, Boss Vincent sa pagtitiwala nila sa aking talento at kakayahan dahil hindi ako nawawalan ng projects simula po nu’ng kinuha nila ako,” pahayag ng binata.