Ni Marivic Awitan

SA pagharap sa mga lower rank teams sa pagbubukas ng second round, hindi nagpabaya ang league leader Lyceum para mapanatili ang kanilang pangingibabaw.

Dahil dito, napalawig ng Pirates ang kanilang winning run hanggang 11 games sa pamumuno ng kanilang beteranong wingman na si CJ Perez.

Gaya ng kanyang ipinakita sa kabuuang ng first round, muling nagsilbing langis na nagpapaandar sa makina ng Lyceum si Perez sa itinala nitong average 18.0 puntos, 9.0 rebounds, 2.0 assists, at 1.0 steal sa huling dalawa nilang laban.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kaya naman, walang duda na nakamit ni Perez ang parangal bilang Chooks-to-Go-NCAA Press Corps Player of the Week, kung saan kanyang inungusan sina San Beda’ forward Javee Mocon, at Perpetual Help slotman Prince Eze at forward Gab Dagangon.

Sinimulan ng 23-anyos na si Perez ang ratsada ng Lyceum nitong Martes nang isalansan ang 14 sa kanyang 22-puntos bukod pa sa siyam na rebounds sa kanilang naitalang 96-90, panalo kontra Mapua.

Kasunod nito, pinamunuan naman niya ang atake ng Pirates nitong Biyernes sa pagposte ng 14-puntos, 9 rebounds 3 assists at 2 steals sa kanilang 83-69 paggapi sa St. Benilde.

Ngunit, hindi pa tapos ang laban para kay Perez at sa Pirates dahil sa naitalang winning streak.

“Tulad nga ng sinasabi ni coach sa amin, yung other teams nakaka-catch up na,” ani Perez.

Para naman kay Pirates coach Topex Robinson, patuloy naman niyang ipinapaalala na kailangang maging mas handa sila ngayong second round dahil higit na mabigat ang haharapin nilang hamon.

“This is an uncharted territory for us. But if we want to stay on top, there’s a lot of responsibilities that come with it and we can’t let our guards down against any team. From here on, it’s just going to get tougher,” ani Robinson.