PANGUNGUNAHAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang lokal na selebrasyon ng dalawang importante na pandaigdigang environmental event ngayong Setyembre: ang International Coastal Cleanup Day at ang International Day for the Preservation of the Ozone Layer.

Nanawagan si DENR Secretary Roy A. Cimatu sa mga Pilipino na makiisa sa kambal na selebrasyon, kasabay ng paghahangad na maitaas ang kamalayan ng publiko tungkol sa pagbibigay ng proteksiyon sa karagatan at sa ozone layer, na sabay na gaganapin sa Sabado, Setyembre 16.

“These two global environmental events will not only educate Filipinos about the current situation of the environment, but also heighten the consciousness of the general public on the dangers that may come if we do not properly take care of our water resources and the ozone layer,” lahad ni Cimatu.

May temang “Sama-sama para sa Karagatan”, ang International Coastal Cleanup Day ngayong taon ay inorganisa ng Biodiversity Management Bureau ng DENR, kaagapay ang International Coastal Cleanup Philippines sa ilalim ng Washington-based environmental advocacy group na Ocean Conservancy, at ng Philippine Coast Guard.

Ang mga institutional partner ay kinabibilangan ng Department of Interior and Local Government, Department of Education, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, at Department of Tourism.

Sa ika-31 taon nito, layunin ng selebrasyon na hikayatin ang publiko na magtanggal ng mga basura sa mga dagat at daluyan ng tubig sa buong mundo, tukuyin ang mga pinagmumulan ng debris, at baguhin ang behavioral pattern na nakakapag-ambag sa polusyon.

Sa Huwebes, Setyembre 14, maglulunsad ang United Nations Environment Programme ng website para sa pinakabago nitong kampanya, ang www.ozoneheroes.org, pati na rin ang #OzoneHeroes na maaaring gamitin sa social media upang isulong ang kamalayan sa mga naisakatuparan ng Montreal Protocol.

Layunin ng International Day for the Preservation of the Ozone Layer na palaganapin ang kamalayan tungkol sa unti-unting pagkasira ng ozone layer, at ang pangangalap ng mga solusyon upang mapangalagaan ito.