Ni MARY ANN SANTIAGO

“Parang scripted.”

Ito ang pagtaya ng taxi driver na si Tomas Bagcal sa pagpatay ng mga pulis sa 19-anyos na dating estudyante ng University of the Philippines (UP) na si Carl Angelo Arnaiz.

Ang pahayag ay ginawa ni Bagcal nang humarap siya kahapon sa media, kasama ang grupong Rise Up for Life and for Rights, sa Quezon City, at naglabas ng sulat-kamay niyang pahayag, upang ibunyag ang aniya’y katotohanan sa insidente.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ito na ang ikatlong affidavit ni Bagcal hinggil sa insidente nitong Agosto 18, na ang dalawang nauna ay inilabas ng mga pulis, ngunit taliwas ang mga ito ang nilalaman sa kanyang mga ibinunyag kahapon.

Ayon kay Bagcal, nag-iisa lang si Arnaiz nang holdapin siya, at hindi dalawa tulad ng sinasabi ng mga pulis.

Sinabi ni Bangcal na tinangka rin umano siyang paputukan ni Arnaiz ngunit nagmintis ang baril nito kaya inihampas na lamang umano ni Arnaiz ang baril sa kanyang braso kaya nasugatan siya.

Dito na umano niya hinabol si Arnaiz at nakorner sa isang kalsada, kung saan maraming tricycle driver at may isang barangay tanod, na nagtulung-tulong umano upang gulpihin ito.

Aniya, namukhaan niya si Arnaiz nang tanggalin niya ang hood nito at nang dumating ang mga pulis na sina PO1 Jefrey Perez at PO1 Ricky Arquinta, at binitbit ang teenager sa pag-aakala niyang dadalhin ito sa pulisya upang ikulong at kasuhan.

Maya-maya, aniya, ay nakarinig na umano siya ng mga putok ng baril at nakitang nakahandusay na si Arnaiz.

Taliwas ito sa pahayag ni Bagcal sa unang affidavit na lumabas sa media, nang sinabi niyang pinaputukan ni Arnaiz ang mga pulis kaya napilitang gumanti ng putok ang mga ito, na nagresulta sa pagkamatay ng teenager.

Nilinaw naman ni Bagcal na hindi siya ang gumawa ng naturang affidavit kung hindi ang mga pulis, at ang tanging itinanong lamang, aniya, ng mga ito sa kanya ay ang kanyang pangalan, birthday, edad at OR-CR ng kanyang sasakyan.

“May ano doon, eh. Hindi iyong totoong statement iyon, eh. Ang tinanong lang sa akin doon, birthday, pangalan saka edad at OR, CR ng sasakyan. Aside from doon, wala,” ani Bagcal.

Ibinunyag din ng Bagcal na napilitan siyang humingi ng tulong at proteksiyon noong Setyembre 4 mula sa Rise Up matapos na makatanggap ng banta sa kanyang buhay at nang bumisita sa kanyang tahanan ang mga pulis, nang hilingin niya sa mga ito na itama ang kanyang unang affidavit, tulad ng bilang ng mga nangholdap sa kanya.

Aminado rin si Bagcal na hindi niya alam kung nanlaban nga ba talaga ang sinasabing nangholdap sa kanya dahil arestado na, aniya, ito.

“Doon sa pagkakapatay ng pulisya sa nangholdap sa akin, parang staged, scripted.”

Nagpahayag din naman ng kahandaan si Bagcal na humarap sa pagdinig sa Senado kung ipapatawag siya.

Samantala, iniisa-isa na ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang mga himpilan ng pulisya kung saan posibleng dinala ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” De Guzman—kung totoo ngang inaresto siya ng mga pulis bago natagpuang lumulutang sa isang sapa sa Nueva Ecija ang kanyang bangkay.

Sa ngayon, ayon kay IAS Inspector General Alfegar Triumbulo, walang malinaw na pruweba na sumailalim nga sa kustodiya ng mga pulis si De Guzman.

Kaugnay naman sa kaso ni Arnaiz, sinabi ni Triambulo na igigiit ng IAS ang pagsasagawa ng sariling imbestigasyon, kahit pa ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang may magsisiyasat sa kaso.

Aniya, pagtutuunan ng IAS ang mga kasong administratibo laban sa mga sangkot na pulis sa pagpatay kay Arnaiz, o posibleng pati kay De Guzman. - May ulat ni Aaron Recuenco