NANATILING kapit sa sosyong liderato sina GM-candidate Haridas Pascua, Jonathan Jota at International Master Chito Garma matapos ang napagkasunduang draw sa kani-kanilang laro sa ikaanim na round nitong Linggo sa ‘Battle of Grandmasters’ National Chess Championships sa Alphaland Makati.

Nakihati sa puntos si Pascua, target maging pinakabagong GM sa bansa, kay IM Paulo Bersamina, habang natigil ang magkakasunod na malaking panalo ni Jota nang mag-draw kay Michael Concio Jr.

Tabla rin ang kinalabasan ng laro ni Garma, pinakamatandang player sa edad na 53 sa 12-player field, kontrra top seed GM John Paul Gomez.

Magkasosyo sina Pascua, Jota at Garma tangan ang parehong 4.5 puntos matapos ang ikaanim na round ng torneo na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP), sa pamumuno ni president Cong. Prospero “Butch” Pichay at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tabla rin ang laro nina GM Darwin Laylo at Jeth Romy Morado.

Tanging si reigning national junior champion John Marvin Miciano ang nakapagtala ng panalo nang gapiin si IM Ronald Bancod para sa 1.5 puntos.

Sa women’s division, ginapi ni De La Salle University standout Bernadette Galas si Michelle Yaon, habang tumabla si Marie Antonette San Diego kay Francoi Marie Magpily.

Magkasosyo sina Galas, UAAP Season 78 MVP, at San Diego, UAAP Rookie of the Year sa naturan ding season, sa liderato tangan ang 4.5 puntos.