Nakikita ng chairman ng House Committee on Justice ang kamay ng hudikatura sa pagpapatalsik kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno kahit na tiniyak niya na ang lahat ng impeachment complaints na ibinabato sa kanyang panel ay kaagad nilang tatalakayin.

Napapansin ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali ang “division” at “shaky leadership” sa hudikatura na pinainit ng paghahain ng dalawang impeachment case laban kay Sereno.

“Actually no’ng pahapyawan ko ‘yong impeachment complaint I can see the hand of...the court itself,” aniya sa isang panayam sa radyo.

Naniniwala siya na ang isyu ng impeachment laban kay Sereno ay nagsimula sa loob mismo ng Supreme Court, dahil sa limang SC justices na handang tumestigo sa kaso laban sa CJ.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Galing sa loob lahat ‘to. Kaya I think there is a division even within the court which is why this is happening,” anang Umali.

Pinuna niya na karamihan ng mga impormasyon ay sakop ng mga aksiyon na isinagawa ng SC en banc at isinama ni Atty. Larry Gadon, presidente ng PDU30 Constitutional Reform to Federalism at dating abogado ni ex-President at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo, sa reklamong inihain nito laban kay Sereno.

“So pina-authenticate ni Atty. Gadon ‘yong mga dokumento. Lahat nangyari sa Supreme Court or karamihan galing sa Supreme Court. Kaya ‘yon, kasama na ‘yan dito sa mga sinubmit, ifinile n’ya,” anang Umali.

“Ang nakapagtataka ay pinayagan ng Supreme Court to. So makikita mo na talagang may (rift) ika nga sa Supreme Court,” aniya pa.

Inaakusahan ni Gadon ang CJ na bumili ng P5.1 milyong brand-new at high-end na 2017 Toyota Land Cruiser na sinamahan ng P4M bulletproofing job, at hindi isinama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ang “exorbitant lawyer’s fees” na nagkakahalaga ng $745,000 o P37M. Ang reklamo ni Gadon ay inendorso ng 25 mambabatas.

Ang ikalawang reklamo laban kay Sereno ay inihain ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) founding chairman and president Dante Jimenez at abogado ng Vanguard of the Philippine Constitution Inc. na si Eligio Mallari, at inendorso ng 16 mambabatas.

Sinabi ni Umali na diringgin nila ang impeachment complaints laban kay Sereno sa Miyerkules. - Charissa M. Luci-Atienza