Ni MARIVIC AWITAN

SA ikalawang sunod na taon, winalis ng San Beda ang swimming competition sa dominanteng kampanya sa tatlong division sa Season 93 nitong Sabado sa Rizal Memorial Sports Complex swimming pool sa Manila.

Sa pamumuno ni Joshua Junsay na nakamit ang kanyang ikatlong sunod na seniors MVP award, inangkin ng San Beda Sea Lions ang ika-16 na sunod na titulo at ika-21 pangkalahatan matapos makalikom ng kabuuang 1517.5 puntos.

Humakot si Junsay ng anim na gold medals (200 meter freestyle, 200 meter butterfly, 100 meter butterfly, 200 meter freestyle relay at 400 meter freestyle) at isang silver (1500 meter freestyle) upang muling tanghaling MVP.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pumangalawa sa kanila ang College of St. Benilde Blazers na may 477 puntos, pangatlo ang Arellano University na may 311 puntos, pang -apat ang Emilio Aguinaldo College sa may 205.5 puntos at panglima ang Lyceum na may 148 puntos.

Sa women’s division, humakot naman ang Lady Sea Lions ng 1323.5 puntos para angkinin ang kanilang ikapitong sunod na titulo.

Pumangalawa sa kanila ang Lady Blazers na nakakuha ng konsolasyon matapos tanghaling Record Breaker of the Year at MVP ang kanilang tanker na si Maria Aresa Lipat sa natipon nilang 805 puntos habang malayo namang pumangatlo ang Lady Chiefs na may 207 puntos.

Tulad ni Junsay nakopo ni Lipat ang anim na gold medals matapos manguna sa 50 meter freestyle, 200 meter freestyle relay, 50 meter at 100 meter butterfly, 100 meter freestyle at 200 meter individual medley.

Sa pangunguna ni Record Breaker of the Year Jose Mari Arcilla, nakumpleto naman ng Sea Cubs ang back-to-back championships para sa kanilang ika-23 pangkalahatang titulo sa natipong 1058 puntos.

Dahil sa panalo, sila na ngayon ang most winningest junior squad makaraang ungusan ang dating katablang Mapua. Pumangalawa sa kanila ang CSB-La Salle Greenhills na may 571.5 puntos at pangatlo ang Jose Rizal University na pinangunahan ni quadruple gold medal winner (50 meter free, 50 meter butterfly, 100 meter freestyle,100 meter butterfly) na si Manuel Victor Perez sa natipon nilang 317 puntos.