MAYROONG 800,000 kabataan sa Amerika ang ilegal na binitbit ng kanilang mga magulang, na inabuso naman ang kani-kanilang visa kaya kalaunan ay na-deport. Subalit ang mga bata, karamihan sa kanila ay edad lima hanggang anim nang mga panahong iyon, ang nanatili sa kanilang mga kaanak, nag-aaral sa mga eskuwelahan sa Amerika, at lumaki sa pakiramdam na Amerikano sila—maliban na lamang na nakasaad sa batas ng Amerika na hindi sila mamamayan ng bansa at dapat na matagal nang lumisan kasama ang kanilang mga magulang ilang taon na ang nakalipas.
Iniapela ni President Barack Obama ang kanilang sitwasyon sa US Congress subalit hindi inaksiyunan ng Kongresong kontrolado ng mga Republican ang mga panukala para sa malawakang reporma sa immigration—kasama ng iba pang inisyatibo ng Democratic Party. Isang panukala para sa Development, Relief, and Education for Alien Minors (DREAM) ang inihain noong 2001 at ilang beses na inihain sa mga sumunod na taon, ngunit hindi ito kailanman naipasa.
Nagpasya si President Obama na magpalabas ng executive order, ang Deferred Action for Childhood Arrivals (DACA). Aniya, ipatitigil ng kanyang administrasyon ang pagpapatapon sa mga illegal immigrant na nakatupad sa criteria sa panukalang DREAM, kabilang ang pagdating sa Amerika bago sumapit sa edad 16, patuloy na paninirahan sa Amerika sa nakalipas na limang taon, at pagtatapos ng sekundarya sa isang paaralan sa Amerika o pagkakaroon ng General Education Diploma, at mayroong good moral character.
Nitong Martes, inihayag ng administrasyong Trump, sa pamamagitan ni Attorney General Jeff Sessions, ang pagtatapos ng DACA, na sumasaklaw sa 800,000 “dreamers” — katawagang hango sa panukalang DREAM na hindi kailanman naipasa — sa Amerika ngayon. Marami sa kanila ay mga adult na, kasalukuyang nagtatrabaho batay sa kursong kanilang tinapos, at may kani-kaniya nang pamilya. Lahat sila ngayon ay nanganganib na maipatapon palabas ng bansa bilang mga illegal immigrant.
Kabilang sa 800,000 ito ang nasa 5,000 Pilipino. Para sa kanila, lumahok ang National Federation of Filipino-American Associations sa malawakang kilos-protesta at apela, sinabing ang “DACA recipients are Americans in every sense, except for their paperwork, and should be allowed them to thrive and build lives here in the United States.”
Sa pagpapawalang-bisa sa DACA, hiniling ni President Trump sa Kongreso na desisyunan ang usapin sa susunod na anim na buwan. Sakaling mabigo pa rin ang Kongreso na mapagtibay ang isang batas—gaya ng paulit-ulit na nangyari simula noong 2001 — iisa-isahin na ni Trump ang “dreamers” — na halos buong buhay nang nakatira sa Amerika, nang walang kahit na anong alaala ng mga bansang pinagmulan ng kanilang mga magulang. Karamihan ay nagsisipagtrabaho na ngayon at nag-aambag sa kaunlaran ng pambansang ekonomiya.
Isa na naman itong kabanata sa laban ni President Trump kontra mga immigrant na nagnanais na magkaroon ng panibagong buhay at mabigyan ng pagkakataon sa orihinal na lupain ng mga oportunidad na ilang dekada nang pinaglilingkuran ng mga immigrant, ang United States of America.