Ni GILBERT ESPEÑA
HANDA na si Filipino-American Brian Viloria sa kanyang ikalawang laban sa super flyweight category laban kay American-Puerto Rican Miguel Cartagena sa 8-round match ngayon sa StubHub Center sa Carson, California sa Estados Unidos.
Magsisilbing opening bout ang sagupaan nina Viloria at Cartagena sa laban ng mga bigatin sa dibisyon na tatampukan ng rematch nina WBC champion Srisaket Sor Rungvisai ng Thailand laban kay dating pound-for-pound king Roman Gonzalez ng Nicaragua.
Magsasagupa rin sina dating Mexican world champions Carlos Cuadras at Juan Francisco Estrada samantalang ipagtatanggol ni WBO titlist Naoya Inoue ng Japan ang kanyang korona kay Antonio Nieves na isa ring Amerikano.
Tanyag si Viloria sa pagiging two-division champion kaya kung mananaig kay Cartagena ay tiyak na maililinya siya sa world title bout sa dibisyon lalo’t nakalista siya sa WBC, WBA, IBF at WBO rankings.
Huli lumaban ang kilalang “Hawaiian Punch” nang talunin sa puntos si dating Mexican super flyweight champion Ruben Montoya noong Marso sa Tokyo, Japan.
“I’m very excited to be on this important card,” sabi ni Viloria sa Philboxing.com. “I haven’t missed a day of roadwork, and I’ve been putting in the hours at the Wild Card Gym so that I can give my hometown fans in Los Angeles what they always expect of me – my very best. I’m refreshed and strong, and nothing’s going to stand in my way of winning another world title.”
Para naman sa matagal nang manedyer ni Viloria na si Gary Gittelsohn, kung impresibo ang magiging laban ni Viloria ay tiyak na mapapasabak siya sa mga magwawagi sa tatlong sagupaan.
“If Brian turns in an impressive performance on September 9th as we expect, we will consider facing one of the winners on the card or pursuing the flyweight world title,” diin ni Gittelsohn. “I can tell you Brian has looked marvelous in the gym and I’ve never seen him more motivated.”