Ni: Fr. Anton Pascual

KAPANALIG, palagi kayong gumagamit ng social media, siguradong nakita at nadama ninyo ang masasakit at tila walang pusong salita ng mga netizen.

Nitong isang araw sa isang community news group, may nag-post ng litrato ng mga kabataan na tila salot na sa lipunan.

Bukod sa snatching, nangingikil na ang mga ito sa kalye. Alam niyo ba kung ano ang mga komento ng mga netizen? Marami ang nagsabi na patayin na lamang sila. Mga adik daw sila. Wala na raw silang pag-asa. Kanser umano sila sa lipunan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ikaw ano ang masasabi mo?

Nauunawaan natin ang galit para sa mga batang ito na nanggugulo sa komunidad. Ngunit ang nakapagtataka, bakit nga ba sa halip na ipahuli sila sa pulis o i-report sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), mas marami ang nagsabi na patayin na lamang sila? Sanay na nga ba tayo sa patayan?

Tinatanong natin ito dahil kung mas nais nating pumatay kaysa mag-report sa awtoridad, nangangahulugan ito na wala na tayong tiwala sa mga ahensiya ng gobyerno na tiyakin ang ating kaligtasan ng hindi pumapatay. Ibig sabihin, tunay na mas nais ng marami na pumatay na lamang kaysa umasa na magagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang tungkulin.

Kung tunay kasi tayong nagtitiwala dito, kampante tayo na maisasaayos nila ang lipunan na walang dadanak na dugo.

Ang kaliwa’t kanang pagpatay sa ating lipunan ay hindi lamang repleksiyon ng pamahalaan, repleksyon ito ng lipunan.

Marami ang naniniwala na para malinis ang lipunan, ang pagpatay ang tugon. Madugong shortcut. At sa shortcut na nais natin, ang mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ang mga pulis, ang ating henchmen. Parang ang mura ng buhay at parang walang halaga. Sa halip na siguraduhing maayos na nakatutugon ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga isyu ng kriminalidad, inuudyukan pa natin silang pumatay.

Hindi ba tayo nauumay? Araw-araw, may bangkay. Hindi na ba tayo naluluha sa mga taong naputulan ng hininga?

Palibhasa, hindi sa iyo o sa mahal mo ang buhay na nawala. Palibhasa, patuloy pa ring iinog ang mundo mo kung may maralitang kabataang pahihirapan at papatayin. Kailan ka pa magigising? Kapag kapamilya o kaibigan mo na ang tinira?

Ang lipunan natin, tila hindi lamang pumapayag sa mga kamatayang nangyayari sa ating paligid. Marami sa atin ang tila uhaw sa kaparusahang wala nang balikan. Ayon nga sa isang SWS survey, marami ang “satisfied” o nasisiyahan sa illegal drugs campaign ng pamahalaan (43% very satisfied, 35% somewhat satisfied).

Sa puntong ito, maaari nating hiramin ang mga kataga mula sa The Harvest of Justice is Sown in Peace ng mga Obispo mula sa Amerika: Ang bilis nating maglapat ng mga desisyon sa mahihirap na suliranin. Ang bilis nating bumaling sa karahasan kaysa humarap sa masakit at kumplikado, ngunit hindi nakamamatay at pangmatagalang solusyon sa problema ng lipunan. Kailangan kasi nito ng sakripisyo, pasensiya at oras… Panahon na upang kilalanin natin na ang karahasan ay hindi solusyon, kundi problema rin.