INIHAYAG noong Hunyo ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsisimula ng matagal nang naipagpalibang pagsasaayos sa Clark upang makaagapay sa tumitinding pangangailangan sa pagbiyahe sa ibang bansa, sa gitna na rin ng mga hindi kapani-paniwalang limitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang problema sa NAIA ay iisa lamang ang mahabang runway nito, na nagsanga sa isang dulo para sa isang mas maikli.
Tanging 40 takeoff at landing lamang ang uubra bawat araw, kaya naman naaantala ang mga biyahe. Karaniwan nang naghihintay pa ang mga kalalapag na eroplano sa pagkakataon nilang makaikot, kaya naman umaabot sa P7 bilyon kada taon ang nagagastos ng mga kumpanya ng eroplano sa gastusin sa petrolyo at pagmamantine ng makina. Dahil sa pagsisikip na ito, itinuturing ang NAIA bilang isa sa mga “high-risk” na paliparan sa Asya Pasipiko. Wala nang paglulugaran para sa isa pang runway dahil nasa 6.7 ektarya lamang ang lawak nito.
Kung ikukumpara, ang paliparan sa Clark sa Pampanga ay nasa 4,000 ektarya. Mayroon itong dalawang higanteng runway kung saan pumupuwesto noon ang mga higanteng bomber at jet fighter ng US 13th Air Force patungo sa Korean War, at kalaunan sa Vietnam War. Sa panahon ng emergency, maaaring lumapag sa mga runway ng Clark ang US Space Shuttle.
Sa wakas, nagpasya na ang gobyerno na gawing kapaki-pakinabang ang NAIA, at sinimulan na rin ng DOTr, sa ilalim ng pamunuan ni Secretary Arthur Tugade, ang paglilipat ng tanggapan ng kagawaran sa Clark. Dalawang dambuhalang kumpanya ang nagsumite ng mga panukala upang pagandahin ang Clark International Airport — nariyan ang P200-bilyon panukala mula sa GMR Infrastructure Ltd. ng India at Megawide Construction Corp., at ang P187-bilyon proposal ng JG Summit Holdings at Filinvest Development Corp.
Sa gitna ng lahat ng development na ito, nagmungkahi noong nakaraang linggo ang Philippine Air Lines upang magtayo ng isang P20-bilyon annex building para sa NAIA Terminal 2, na eksklusibo ngayong ginagamit ng PAL. Gagamitin dito ang 16-ektaryang lugar na okupado ng dating Philippine Village Hotel. Magtatayo ang PAL ng mga aerobridge upang mapagsilbihan ang malalapad na jet, magkaroon ng multilevel parking para sa 1,000 sasakyan, at mapabuti ang mga pasilidad ng paliparan para sa mga pasahero.
Subalit kumpara sa suliranin ng NAIA sa kakapusan ng mga pasilidad sa mga terminal, higit na pinoproblema ang kakulangan ng mga runway, na naglilimita sa bilang ng mga umaalis at dumadating na eroplano. Sa kasalukuyang sitwasyon ng mga runway, hindi na maaari pang tumanggap ng karagdagang flights ang NAIA. Ano ang kapakinabangan sa pagpapalawak ng terminal na may pinahusay na mga pasilidad para sa mga pasahero, kung hindi naman maaaring dagdagan ang mga biyahe para mas makaakit pa ng karagdagang mga pasahero?
Nariyan din ang problema sa pagsisikip ng trapiko sa mga lansangan. Dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila, maraming kumpanya ng eroplano ang lumipat na sa Clark, habang maraming negosyo naman ang naglilipat na ng kanilang mga cargo shipment sa Subic Bay Freeport.
Tunay na panahon nang lumabas sa Metro Manila, partikular sa mga lalawigang mayroon nang mga pangunahing imprastruktura gaya ng mga paliparan at pantalan. Patuloy na gagamitin ang NAIA dahil ito ang pangunahing pasukan sa Metro Manila, ngunit panahon nang paglaanan ng pondo at pagsisikap, ng gobyerno man o pribadong sektor, ang pagpapaunlad sa iba pang bahagi ng bansa.