Ni: Argyll Cyrus B. Geducos at Ben R. Rosario

Sinabi ng Malacañang na handa ang Department of Interior and Local Government (DILG) sakaling matuloy ang barangay elections sa susunod na buwan.

Ito ay makaraang ihayag ng Commission on Elections (Comelec) na magsisimula na sa Setyembre 23 ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Tiniyak ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na handa ang DILG sa halalan kahit pa una nang kinontra ito ni Pangulong Duterte dahil ibabalik lamang umano nito ang paghahari ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“While we adhere to the President’s position of postponement of barangay and SK elections, the Department of Interior and Local Government, like the Commission on Elections, has always been prepared if in case the barangay elections will push through,” saad sa pahayag ni Abella.

Bagamat bumoto na ang Kamara para ipagpalibang muli ang eleksiyon na nakatakda sa Oktubre 23, hindi pa napapagtibay ng Kongreso ang batas para rito.

Dahil dito, sinimulan na ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota noong Agosto, at tatanggap na nga ng COCs sa Setyembre 23.

Kaugnay nito, inihayag na ng Comelec nitong Martes na ipinagpaliban na ang eleksiyon sa Mindanao kaugnay na rin ng batas militar doon.

Samantala, sinabi ni CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna, chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na ang petsa na lang ng eleksiyon sa susunod na taon ang reresolbahin sa panukalang ipagpaliban ito.

Aniya, inaasahang ipapasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang House Bill 6308 na nagpapaliban sa halalan sa ikalawang Lunes ng Mayo, 2018.