Ni: Aaron B. Recuenco

Patuloy na napapasok ng puwersa ng militar ang natitirang lugar na hawak ng Maute Group sa Marawi City, sa pinal na operasyon upang malipol ang ISIS-inspired gunmen sa dating masiglang Islamic City sa Mindanao.

Ayon kay Col. Edgard Arevalo, information officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP), patuloy na humihina ang puwersa ng Maute batay sa kanilang pagsusuri at sa impormasyon na kanilang natatanggap mula sa ground commanders.

“We continue our assault to the enemy remaining positions that gradually reduced daily. Their defenses continue to wane as their strength does,” sabi ni Arevalo.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang patuloy na nakapagpapabagal sa operasyon ng militar, ayon kay Arevalo, ay ang presensiya ng mga bihag na sibilyan na ginagamit bilang human shield ng natitirang puwersa ng Maute.

Sinabi ng opisyal na nakatatanggap din sila ng report na pinupuwersa ang mga bihag na lumaban sa mga sundalo at binibigyan ang mga ito ng baril upang ipakita na sila ay kanilang mandirigma.

Umabot na sa kabuuang 45 sibilyan ang iniulat na namatay simula nang mag-umpisa ang labanan noong Mayo 23. Halos lahat ng biktima ay pinatay ng Maute Group, samantalang ang ilan naman ay napagitna sa labanan.

“We are expecting to recover some more victims of the Maute-ISIS group when we proceed to the main battle area, parts of it laden with mines, booby trap and Improvised Explosive Device (IEDs),” sabi ni Arevalo.

Bukod sa civilian casualties, 655 terorista na ang napapatay, ayon sa datos ng militar.

Sa panig ng pamahalaan, 145 sundalo at mga pulis na ang namatay at mahigit 1,000 naman ang nasugatan.