Ni: Clemen Bautista
IPINAGDIRIWANG ngayong ikalawang Linggo ng Setyembre ang “Grandparent’s Day” o Araw ng mga lolo at lola. Ang pagdiriwang ay pagpapahalaga at pagkilala sa nakatatandang miyembro ng pamilya na nagbibigay ng mga pangaral at payo na mula sa kanilang mga mahalagang karanasan sa buhay. Ang pagdiriwang ng Araw ng mga lolo at lola ay sinimulan ni Marian McQuade, isang maybahay sa Fayette County, West Virginia, USA noong 1970. Naging inspirasyon niya ang anyo ng malulungkot na senior citizen sa mga nursing home. Nais ni Marian McQuade na itanim sa isip ng mga kabataan ang mabuting asal at manahin ang katangian ng kanilang mga lolo at lola. At noong 1978, matapos itong ipagdiwang noong Mayo 27, 1973 sa West Virginia, isang batas ang nilagdaan ni Pangulong Jiy Carter (Public Law 96 62) na ang Linggo ng Setyembre, matapos ang Labor Day sa America, ay pagdiriwang ng National Grandparent’s Day. Pinili ang Setyembre bilang simbolo ng taglagas sa buhay. Nang lumaon, kinilala rin sa ibang bansa ang pagdiriwang. Sa Pilipinas, ang pagdiriwang ng Araw ng mga lolo at lola ay tuwing ikalawang Linggo ng Setyembre.
Bilang pagpapahalaga at pagkilala sa mga lolo at lola, maglalaan ng panahon ang kani-kanilang mga anak at apo para sa kanila. Ipagluluto sila ng paborito nilang pagkain, bibigyan ng mga regalo at mga bulaklak. Ang iba ay dadalhin ang mga lolo at lola sa isang kilalang restaurant at doon magsasalu-salo, habang ang iba naman ipagsa-shopping. Bibigyan dila ng kanilang apo ng greeting cards, bulaklak at mapagmahal na pagbati bilang parangal at pagpupugay.
Hinihikayat naman ng Simbahan Katoliko ang mga bata na mag-alay ng isang espesyal na panalangin sa dalawang patron saint ng mga lolo at lola na sina San Joaquin at Sta. Ana na mga magulang ng Mahal na Birheng Maria at lolo ni Jesus.
Ang mga lolo at lola sa Pilipinas ay mahalagang miyembro ng pamilya. Ang mga lolo at lola ang nagsisilbing tulay sa hindi pagkakaunawaan ng ating mga magulang. Ang pagpunta sa pamilyang Pilipino ay napakahalaga lalo na sa pagtulong at pag-agapay sa kanilang mga apo. Sa kanila naiiwan ang mga anak ng nagtatrabahong mga magulang.
Sa suporta at pagmamahal na ibinibigay ng mga lolo at lola, lalong tumitibay ang pagmamahal na ipinagkakaloob ng ating mga magulang. Kapag nagretiro na sa trabaho ang mga lolo at lola, ang kanilang pagtira o pamamalagi sa sinuman sa kanilang mga anak ay kinagigiliwan. Ang ginagampanang papel ng mga lolo at lola sa pamilyang Pilipino ay sagisag o simbolo ng katatagan, pagkakaisa at patuloy na pagbibigay nang walang katapusang pagmamahal at pag-aalaga.
Sa lahat ng bagay na kaagapay natin, ang mga lolo at lola, lalo na na noong sila ay bata pa, ay maraming bagay na naipamumulat sa atin. Sila ang patuloy nating mga buklod sa nakalipas, sa mga pangyayari, paniniwala at mga karanasan na malaki ang epekto sa ating buhay at sa daigdig na nakapaligid sa atin.
Ang mga lolo at lola ang pinanggalingan ng talino, payo gabay, kalakasan, suporta, at inspirasyon. Ang kanilang mga karanasan ay ang mga aral na kailangang matutuhan ng mga kabataan. Mula sa kalungkutan at kasiyahan.
Bilang pagpapahalaga ng pamahalaan, kinilala ang mga lolo at lola sa pinagtibay at ipinatutupad na Republic Act No. 7432 o ang SENIOR CITIZENS ACT. Ang awtor nito ay si dating Senador Edgardo Angara. Sa nasabing batas, ang mga lola at lola ay binibigyan ng 20% discount sa gamot, libangan, transportasyon, medical at dental services sa mga ospital at maging sa mga restaurant at fast food chain.
Sa iniibig nating Pilipinas, nararapat na alagaan at pahalagahan araw-araw ang mga lolo at lola. Mabuhay ang mga lolo at lola!