Ni: Mary Ann Santiago
Sabay-sabay dinakma ang 11 indibiduwal, kabilang ang dalawang menor de edad, makaraang mahuli sa aktong bumabatak at nagre-repack ng pitong kilo ng umano’y marijuana sa loob ng isang hotel sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang mga suspek na sina Richard Aldrin Mujar, 21, ng Tondo; Daron Enriquez, 18, ng Caloocan City; Christopher Limasin, 19, ng Tondo; Christelle Arandia, 22, ng Tondo; Kurt Galagana, 20, ng Caloocan; Rod Lakindanum, 21, ng Tondo; Mark Anthony Mariano, 28, Caloocan; John Benidict Maglatang, 21, ng Caloocan; Jomar Lacap, 24, Caloocan; at dalawang 17-anyos na lalaki, kapwa ng Tondo.
Sa report ni Police Supt. Jerry Corpuz, acting station commander ng MPD-Station 1, inaresto ang mga suspek sa loob ng isang kuwarto sa Citi Royale Hotel, sa Juan Luna Street sa Tondo, dakong 9:30 ng gabi.
Una rito, isang 16 anyos ang nahuli ng mga pulis sa paghithit ng marijuana sa kanto ng Juan Luna St. at Lecheros St.
Nang tanungin kung saan nito kinukuha ang droga ay itinuro ang naturang hotel.
Sa pakikipagtulungan ng may-ari ng hotel, agad sumalakay ang pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng MPD-Station 1 at ng Station 7 at tuluyang inaresto ang mga suspek.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.