Ni: PNA
NANAWAGAN ang Department of Health (DoH) sa publiko na paigtingin ang mga pagsisikap upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng kagat ng lamok, gaya ng dengue, chikungunya at Japanese Encephalitis (JE), lalo na ngayong tag-ulan.
Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na bagamat bumaba ng 44 na porsiyento ang naitala ng Epidemiology Bureau na kaso ng JE sa bansa hanggang nitong Agosto 26, posibleng makapagtala ng maraming kaso ng sakit sa mga susunod na linggo.
Nanawagan na ang DoH sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang isinasagawa nilang monitoring at pag-uulat ng mga pinaghihinalaang kaso.
Napaulat na tinitiyak din ng kagawaran na mabakunahan na ang mga bata sa bansa laban sa JE sa susunod na taon.
“It is important that the timing of the vaccination against the disease is factored in when administering the vaccine,” saad sa pahayag ng DoH.
“Studies showed that there is no known benefit of the vaccine when given during the peak season. On top of this, the hallmark of JE prevention like Dengue should focus on identification and destruction of mosquito breeding sites and environmental cleanliness.”
Kaya naman hinihikayat ni Health Secretary Dr. Paulyn Ubial ang publiko na magpatupad ng mga hakbangin laban sa mga sakit na dulot ng kagat ng lamok sa pamamagitan ng hindi pagkakaroon ng nakaimbak na tubig, pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran, at pag-aalis sa mga posibleng pamugaran ng mga lamok, hindi lamang sa mga bahay kundi sa buong komunidad.
Pinayuhan din ni Ubial ang publiko na magsuot ng mga damit na nagbibigay ng proteksiyon sa kagat ng lamok, gaya ng may mahahabang manggas, pantalon at medyas, gayundin ang paggamit ng kulambo, pagkakabit ng mga screen sa bintana, at ang paggamit ng insect repellents na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Hinimok din ng kalihim ang publiko na iwasan ang hindi kinakailangang fogging dahil may mga pagkakataong inililipat lamang nito ng lugar ang mga lamok.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Ubial ang mga magulang na kaagad na kumonsulta sa doktor o sa mga health center kung ang isang miyembro ng pamilya ay may lagnat na tumagal na ng dalawang araw, o may mga sintomas ng trangkaso.
Ayon sa DoH, ang JE ay ang pamamaga ng utak o encephalitis. Karamihan sa mga pasyente na mayroong JE virus ay walang ipinakikitang sintomas sa loob ng lima hanggang 15 araw makaraang makagat ng lamok.
Kabilang sa mga sintomas ng sakit ang lagnat, pagkaginaw, sakit ng ulo, labis na pagkapagod, pagkahilo, pagsusuka, pagkalito, at sa matitinding kaso ay tumitigas ang leeg, nanginginig, napaparalisa ang katawan, hanggang sa ma-comatose at tuluyang bawian ng buhay.
Nakapag-ulat na ang DoH ng 133 kaso ng JE simula Enero 1 hanggang Agosto 26 ngayong taon, at 53 sa mga ito ay sa Central Luzon. Siyam naman sa mga pasyente ang nasawi.