MULING magsasagupa sina undefeated Filipino Edward Heno at Japanese Seita Ogido para sa bakanteng OPBF light flyweight title upang wakasan ang una nilang kontrobersiyal na laban bukas sa University of the Ryukyus, Nakagami, Japan.
Unang naglaban sina Heno at Ogido noong Mayo 21 sa parehong lugar na idineklarang nanalo sa 12-round split decision ang Pinoy boxer.
Ngunit, pinakialaman ni boxing promoter Joe Koizumi ang resulta ng laban at matapos repasuhin ang score cards ay idineklara majority draw ang sagupaan kahit nabugbog-sarado at minsang bumagsak ang kanyang kababayan.
Sa rematch bukas, inaasahang magpapatulugan ang dalawang boksingero para hindi na maulit ang kontrobersiya na pumabor kay Ogido.
May rekord si Heno na 10-0-5, may apat na panalo sa knockouts samantalang may kartadang 11-2-3 si Ogido. - Gilbert Espeña