Ni: Bella Gamotea
Limang miyembro ng tinaguriang “ALAO Bus Robbery-Holdup” group ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Makati at Mandaluyong City Police sa magkahiwalay na operasyon sa mga nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi.
Ipinakita kahapon sa media nina Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. at Makati City Police Chief Senior Supt. Gerry Umayao ang booking procedures ng dalawa sa limang suspek na kinilalang sina Roldan Alao, alyas Intoy, umano’y lider ng nasabing grupo, 22, ng Bangbang, Taguig City; at Kevin Alvarez, alyas Kevinduran, 21, ng No. 4050 Laperal Compound, Baranagy Guadalupe Viejo, Makati City.
Bukod kina Alao at Alvarez, may dalawa pang miyembro ng grupo ang naaresto ng mga pulis sa Makati City at isa pa ang nadakip ng Mandaluyong City Police sasa follow-up operation ng Mandaluyong City Police, dakong 8:00 ng gabi.
Sa ulat ni Chief Insp. Roman Salazar, Jr., hepe ng Intelligence Section, Makati City Police, inatake ng mga suspek ang Bobjen Transport (AAO-1677).
Tinangay ng mga suspek ang halos P100,000 cash at personal na gamit ng mga pasahero, gayundin ng driver at konduktor ng bus.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek.