Nag-isyu kahapon ang Office of Civil Defense (OCD) ng Sea-level Change monitoring advisory sa coastal communities sa 21 probinsiya sa bansa kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Coast of Chiapas sa Mexico, nitong Biyernes.
Tumama ang magnitude 8.0 na lindol sa 14.9 oN, 94.4 oW, may lalim na 33 kilometro, bandang 12:49 ng tanghali (oras sa Pilipinas).
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Romina Marasigan, ang nasabing lindol ay may kakayahang bumuo ng tsunami na maaaring tumama sa baybayin ng bansa sa loob ng ilang minuto hanggang oras.
Gayunman, sinabi ni Marasigan na walang ipinatupad na evacuation order ngunit inabisuhan ang mga nasa baybayin sa 21 lalawigan sa Pacific Ocean na antabayanan ang mga update.
Kabilang sa mga inalertong lalawigan ang Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, Isabela, Quezon, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar, Leyte, Southern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao Del Norte, Davao Del Sur, at Davao Occidental.
"So far we havent received any report on the effects of the quake," sinabi kahapon ni Marasigan. - Francis Wakefield at Jun Fabon