Ni: Joseph Jubelag

GENERAL SANTOS CITY – Naghain ang pulisya nitong Miyerkules ng kasong murder laban sa umano’y pumatay noong nakaraang buwan sa correspondent ng Balita sa Sultan Kudarat.

Sinabi ni Senior Supt. Raul Supiter, Sultan Kudarat Police Provincial Office director, na naghain na ng kasong murder sa Provincial Prosecutor’s Office sa Isulan laban sa pumatay kay Leo P. Diaz, correspondent ng Balita at kolumnista ng local tabloid na Sapol News Bulletin, sa President Quirino nitong Agosto 7.

Hindi muna pinangalanan ni Supiter ang suspek, pinaniniwalaang isang gun-for-hire, dahil tinutugis pa ito.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

Matatandaang binaril at napatay si Diaz, 60, ng riding-in-tandem habang sakay sa kanyang motorsiklo sa national highway ng Barangay Kanawi sa President Quirino.

Ayon kay Undersecretary Joel Sy Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security, positibong kinilala ang suspek ng isang saksi bilang bumaril kay Diaz.

Sinabi pa ni Egco na isasailalim sa Witness Protection Program ng Department of Justice ang testigo.

Ayon sa pulisya, ang pagpatay kay Diaz ay may kinalaman sa paghahain ng kasong sexual abuse laban sa isang taong mula sa maimpluwensiyang pamilya sa Sultan Kudarat.

Napaulat na tinulungan ni Diaz ang biktima—na nagkataong kamag-anak niya—sa paghahain ng kaso laban sa mga suspek.