MAAGANG nanopresa sina International Master Haridas Pascua at unseeded Jonathan Jota sa opening day ng Battle of GMs-National Chess Championships nitong Miyerkules sa Alphaland sa Makati City.

chess copy

Ginapi ni Pascua, umaasinta na maging pinakabagong GM sa bansa, si defending champion GM Rogelio Antonio, Jr. sa 30 moves ng Sicilian defense.

Hawak ang itim na piyesa, nagawang madomina ng 22-anyos BS Information Technology graduate ng University of Baguio, ang tempo ng laro para maungusan ang third-seeded na si Antonio. Nangangailangan na lamang si Pascua na marating ang ELO 2500 para makamit ang GM title.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 10 bansang hindi nagdiriwang ng Pasko

Nagapi naman ni Jota, miyembro ng Lyceum of the Philippines University chess team, si GM Darwin Laylo sa 44 moves ng Irrregular opening.

Nakaligtas naman sa kabiguan sina top seed GM John Paul Gomez kontra Michael Concio Jr. sa 25 moves ng Queen’s Pawn opening , gayundin si IM Chito Garma kontra IM Ronald Bancod sa 36 moves ng Sicilian para makisosyo sa liderato kina Pascua at Jota sa kaagahan ng 12-player tournament na pagbabatayan sa pipiliing miyembro ng Philippine team na isasabak sa 2018 Chess Olympiad sa Batumi, Georgia.

Natapos naman sa tabla ang laban nina United States-based GM Rogelio Barcenilla at Jeth Romy Morado sa 96 moves ng Vienaa opening gayundin ang laban nina reigning national junior champion John Marvin Miciano at IM Paulo Bersamina sa 57 moves ng Irregular opening.

Sa women’s class, nadomina ni top seed WIM Marie Antoinette San Diego si WFM Michelle Yaon sa 64 moves ng Queen’s Pawn, habang nagwagi si WIM Mikee Charlene Suede kay Francois Marie Magpily sa 40 moves ng King’s Indian Defense.

Namayani rin sina Arvie Lozano kontra Beverly Mendoza sa 36 moves ng Reti, habang nagtabla sina WIM Catherine Perena-Secopito at WFM Chery Ann Mejia sa 36 moves ng Queen’s Gambit Accepted, gayundin sina WIM Bernadette Galas at WFM Shania Mae Mendoza sa 32 moves ng Scotch.

Hindi kabilang sa torneo na itinataguyod ng Philippine Sports Commission at National Chess Federation of the Philippines sa pamumuno ni Cong. Prospero ‘Butch’ Pichay si WIM Jan Jodilyn Fronda.