Ni: Lyka Manalo

LIPA CITY, Batangas - Dahil umano sa walang nailabas na gatas ang ina, hindi nakadede ang isang bagong silang na sanggol hanggang sa namatay habang nasa isang pampublikong ospital sa Lipa City, Batangas.

Sa panayam kay Rolly Tenorio, 36, nanganak ang kanyang asawang si Rowena nitong gabi ng Setyembre 1 sa Lipa City District Hospital.

Nakiusap umano si Tenorio sa mga nurse na padedehin sa bote ang bata dahil walang lumabas na gatas sa kanyang asawa, subalit hindi sila pinayagan dahil dapat umanong sundin ang breastfeeding policy ng ospital.

Probinsya

Mag-inang menor-edad, natagpuang nabubulok na bangkay sa loob ng sariling bahay

“Nakiusap po ako sa kanila (nurse) na kung puwede padedehin sa bote ang bata, hindi sila pumayag, bawal daw,” sabi ni Tenorio sa panayam sa telepono.

Madalas umanong umiiyak ang sanggol hanggang sa tuluyang bawian ng buhay makalipas ang tatlong araw dahil umano sa gutom, ayon kay Tenorio.

Sinabi ni Tenorio na nakahanda silang magsampa ng kaso laban sa ospital habang hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya sa sanggol.

Sa death certificate ng bata, nakasaad na Aspiration Pneumonia ang dahilan ng pagkamatay ng sanggol.

“Wala naman pong sinabi sa amin ang doktor o mga nurse noong una pa na may pneumonia ang bata. Ang sabi, eh, normal daw po,” ani Tenorio.

Tinangka ng Balita na kuhanin ang panig ng Batangas Provincial Health Office (PHO), subalit hindi muna ito nagbigay ng komento sa isyu.