CARMONA, Cavite – Hindi na nagpatumpik-tumpik si jockey John Alvin Guce at sa unang ratsadahan, hinapit ang El Debarge tungo sa dominanteng panalo.

karera copy

Nangibabaw ang El Debarge sa first leg ng 2017 Philracom Juvenile and Fillies 2YO Stakes Race – isa sa tampok na karera sa inilargang Mayor Ramon D. Bagatsing Racing Festival – kamakailan sa Manila Jockey Club sa San Lazaro Leisure Park.

“Maganda kasi na ipa-unahan na siya (El Debarge) at ilaban na sa harapan,” sambit ni Guce, nito lamang Hulyo ay gumabay sa makasaysayang ‘sweep’ ng Septourteen sa Philracom Triple Crown Stakes race.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Laban sa Barrister at Probinsiyano, humarurot ang El Debarge sa finish line sa bilis na isang minuto at 22.6 segundo (7-23-24-28’).

Nakopo ng El Debarge ang nakatayang P1 milyon na premyo habang ang Barrister at Probinsiyano ay nakapag-uwi ng P600,000 at P225,000, ayon sa pagkakasunod.

Ginabayan din ni Guce, sumabak sa apat na karera, ang Messi sa ikalawang puwesto sa likod ng Malaya sa Philracom Cup Division 1 race ng Bagatsing Racing Festival na muling nakapagtala ng kaaya-ayang sales na P40,008,998. Kasama ang kinita na P28.7 milyon sa unang araw ng 13-race day, ang pakarera na alay sa namayapang dating Manila Mayor ang itinuturing highest-grossing weekend ngayong taon.

Ang Bagatsing Racing Festival ay nananatiling may hawak ng record sales sa kasaysayan sa kinitang P43,281, 228.00 noong 2014. Nagsilbing special guest sa opening ceremony si Indian Ambassador Jaideep Mazumdar .

Napagwagihan ng Messi, dalawang taong colt, ang premyong P480,000 sa likod ng kampeong Malaya (P800,000). Nakuha ng Malaya ang Philracom Cup via photo finish kontra Messi, third placer Blue Berry at fourth-running Manalig Ka sa distansiyang 1,750 meters.

Sa iba pang resulta, nagwagi ang More or Less sa Solaire Resort and Casino Cup (Div. II), habang ang Bite My Dust ang naghari sa Resorts World Manila Challenge of Champions Cup kung saan naglaban-laban ang mga sumabak sa 2016 at 2017.

Pumangalawa ang Underwood kasunod ang Adios Reality sa karera na may layong 1,750 meters.

Nagwagi naman ang Diamond’s Best sa 1,500-meter Fundador Cup (Division I), kaunod ang Niccole Girl, Guatemala at Nicole Angel.