Ni JIMI ESCALA

TUWANG-TUWA pero nanginginig si Joshua Garcia nang iabot namin sa kanya ang napanalunang New Movie Actor of the Year trophy sa katatapos na PMPC 33rd Star Awards for Movies na ginanap sa Resorts World Manila last Sunday.

JOSHUA copy

Ang Kapamilya actor ang nagwagi at tinalo ang mga nakalaban sa nasabing kategorya na sina Ronnie Alonte, Christian Bables, Awra Briguela, Michael Pangilinan, Onyok Pineda at Darwin Yu.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sabi ni Joshua nang makausap namin, napakasaya niya at hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman sa oras na ‘yun.

Hindi raw niya makakalimutan ang pagtanggap niya ng naturang award.

“Importante ang award na ito sa amin kasi sa totoo lang, ‘yung paghihirap mo, at ‘yung ginawa mong pagpapasaya at magpapakilig sa mga tao, eh, gusto rin naman naming ma-recognize talaga. Kaya siguro lahat naman, eh, pangarap na magkaroon ng award,” banggit ni Joshua.

Hindi niya inaasahan na siya ang mananalo nang gabing ‘yun.

“Sa totoo lang, naman, eh, doon sa MMFF medyo nag-expect ako pero ‘yun nga hindi ako nanalo. Pero okey lang naman at least nominated ako,” sey pa ni Joshua.

Nangako si Joshua na lalo niyang pagbubutihin ang trabaho niya bilang actor dahil lalo siyang na-inspire na ipakita sa lahat na may kakayahan siya sa larangan ng pag-arte.

“Isa itong inspirasyon sa akin , isang motivation ito para mas gagalingan ko pa ang pag-arte. Aware naman tayo na mas marami ngayon ang nag-i-expect na ipakita ko ang kagalingan ko sa acting,” lahad pa ni Joshua Garcia na sunod na mapapanood sa bagong seryeng The Good Son ng Dreamscape Entertainment.