NI: Marivic Awitan

NAGBABADYA ang muling pagsungkit ng San Beda sa triple crown sa swimming competition ng NCAA Season 93 pagkaraan ng unang araw ng labanan sa Rizal Memorial Sports Complex pool sa Manila.

Maagang namayagpag ang Sea Lions, Lady Sea Lions at Sea Cubs sa natipong puntos sa kani -kanilang dibisyon .

Sa pangunguna nina Rogelio Raphael Friza, Michael Sangalang at Luis Evangelista na nagtala ng 1-2-3 finish sa men’s 200 meter individual medley, John Henry Gurango, Joshua Junsay at Joseph Dennis Badaria na nagtapos ding 1-2-3 sa men’s 1500 meter freestyle at Robi Mangilinan na nagwagi naman ng gold sa men’s 100m freestyle (54.79)nakatipon ang Red Lions ng kabuuang 347.5 puntos.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Pinangunahan naman nina Chloe Ingrid Molina na nagwagi sa 50m backstroke (32.03) at Gwen Brynne Prejula na gold medalist naman sa 800m freestyle,(10:03.43) nakalikom ang Lady Sea Lions ng 225.5 puntos.

Pumapangalawa kapwa sa men’s at women’s division ang College of St. Benilde na may natipong 130.5 at 197.5 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa juniors division, nangunguna rin ang Red Cubs na may 207 puntos kung saan sorpresa namang pumapangalawa ang Jose Rizal University na pinamunuan ng unang double gold medal winner na si Victor Perez na nagkampeon sa 100m freestyle (54.87)at 50m backstroke (28.99).

Pumapangatlo naman sa men’s division ang Arellano na may 64 puntos gayundin sa women’s na may 56.5 pintos habang CSB-La Salle Greenhills naman sa juniors na may 105 puntos.