Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4:15 m.h. -- Alaska vs Globalport
7:00 n.g. -- Blackwater vs Ginebra
Standings
Ginebra 6-1
NLEX 6-2
Meralco 5-2
Star 4-2
TNT 5-3
SMB 4-3
ROS 4-3
Blackwater 4-4
Globalport 3-4
Phoenix 2-7
Alaska 1-6
Kia 0-8
Ginebra, tutuloy sa quarterfinals; Aces vs Batang Pier.
MAPATATAG ang pamumuno ang tatangkain ng Barangay Ginebra sa pakikipagtuos sa Blackwater ngayon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2017 PBA Governors Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Taglay ang 6-1 marka palapit sa pagtatapos ng first elimination round, tatangkaing protektahan ng Kings ang hawak na top seeding papasok ng playoff round.
Makakatunggali nila ang Elite na nasa alanganing posisyon sa 8th spot hawak ang patas na markang 4-4, ganap na 7:00 ng gabi kasunod ng unang salpukan kung saan magtutuos ang Alaska at Globalport na kapwa nasa bottom half ng standings ganap na 4:15 ng hapon.
Huling tinalo ng Kings sa pamumuno ng import na si Justine Brownlee na umiskor ng 33-puntos ang Star sa isang dikdikang laban na umabot ng overtime at nagtapos sa iskor na 105-101.
Sa kabilang dako, kababalik lamang sa winning track matapos ang 118-97 panalo kontra Kia Picanto noong Setyembre 1, sisikapin ng Elite na manatiling naka-agwat sa mga pinakamalapit nilang kaagaw sa 8th spot para sa mas malaking tsansang umusad ng playoff round.
Samantala sa unang laro, sisikapin naman ng Globalport na makamit ang ika-4 na panalo sa pangwalong laro upang patuloy na panghawakan ang tsansang makapuwersa ng playoff para sa huling quarterfinals berth kontra Aces na bagamat mahaba pa ang dapat habulin upang umabot ng susunod na round ay nagnanais na masundan ang naitalang unang tagumpay matapos dumanas ng anim na sunod na kabiguan matapos ang 90-79 panalo sa San Miguel Beer noong Setyembre 2.
Para makasingit sa playoffs, kinakailangan ng Aces na walisin ang nalalabi nilang apat na laban kabilang na ang salpukan nila ng Batang Pier ngayong hapon.