TATLUMPU’T isang taon na ang nakalipas nang ilunsad ang People Power Revolution noong 1986 na nagbunsod upang lisanin ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Malacañang at umalis patungo sa Hawaii kung saan siya pumanaw makalipas ang tatlong taon. Itinatag ng humalaling administrasyon ni Cory Aquino ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na inatasang bawiin ang mga nakawn na yaman na posibleng nasa pag-iingat ni Marcos at ng kanyang pamilya at mga crony.
Tinaya ng unang PCGG chairman, si Jovito Salonga, ang mababawi nito sa $5-$10 billion (nasa P250-P500 bilyon ang halaga ngayon). Sa nakalipas na tatlong dekada, nagawang mabawi ng PCGG ang nasa P170 bilyon pera. Kinukumpleto na lang nito ang iba pang detalye at matapos na maibenta ang assets na nasa pag-aari na nito at ang iba pang ari-ariang may nakabimbin pang kaso sa korte, inaasahang aabot sa mahigit P200 bilyon ang mababawi ng ahensiya.
Sa harap ng mga detalyeng ito, sinabi ni Pangulong Duterte sa unang bahagi ng buwang ito na nilapitan siya ng mga Marcos at pinag-usapan nila, ayon sa kanya, ang pagbabalik sa ilang yaman, “including a few gold bars.” Aniya, mataman niyang pinakinggan si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos ngunit wala siyang ipinangako rito. Sinabi pa ng Pangulo na hindi inaamin ng pamilya Marcos na ang ibabalik na yaman ay ninakaw ng mga ito. At sinabi ng gobernadora na ang anumang pinaghihinalaan ay maaari namang pag-usapan, “and that I accepted”, ayon sa Pangulo.
Inulan ng sari-saring reaksiyon mula sa iba’t ibang opisyal ang nasabing ulat. Iginiit ng ilang mambabatas at biktima ng batas militar, na dapat na ang lahat ng yaman, at hindi lamang ang bahagi nito, ang isauli sa kaban ng bayan.
Sinabi naman ni dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. na dapat na maging maingat ang gobyerno sa usaping ito at ang pagsasauli sa mga yaman ay dapat na hindi nakasalalay sa anumang kondisyon.
Sinabi ni Governor Marcos na nais nang tuldukan ng pamilya ang ilang dekada nang paglilitis sa korte. “Tiwala kami sa Presidente, na siya ang makakapagtapos ng deka-dekadang kaso at ‘yung pamilya nag-uusap pa. Pero nasa mga abogado,” sinabi ng gobernadora sa mga mamamahayag nitong Huwebes sa pagdinig ng House Committee on Good Government sa usapin ng tobacco excise tax.
Sa huling pahayag ni Pangulong Duterte, sinabi niyang ipauubaya na niya ang lahat sa mga kinauukulang awtoridad.
Aniya, dapat na pahintulutan ng Kongreso ang pamahalaan, sa pamamagitan ng isang panukalang batas, na magpasya kung tatanggapin ang alok na isasauli ang bahagi ng nasabing yaman. Dagdag pa niya, kailangan ding magdesisyon ang Department of Justice kung ano ang gagawin sa mga kasong nakabimbin sa maraming korte, kabilang na ang Sandiganbayan.
Mababatid sa palitan ng mga pahayag at pananaw ng maraming panig na matatagalan pa bago magkaroon ng isang kasunduan.
Nagpapatuloy ang paglilitis sa mga kasong sibil; aabutin pa ng ilang taon bago mapagpasyahan ang mga ito. Wala pang tiyak sa aktuwal na halagang sangkot. Pinagtatalunan pa rin kung ang sangkot na halaga ay nakuha sa ilegal na paraan.
Kailangan nang matuldukan ang matagal nang usaping ito. Makalipas ang 31 taon, na kinapapalooban ng dalawang administrasyong Aquino, naniniwala si Governor Imee Marcos na panahon nang tapusin ng gobyerno at ng kanilang pamilya ang matagal nang alitang legal—kaya naman siya na mismo ang nakipag-usap kay Pangulong Duterte. Ganoon pa rin kalaki ang problema, ngunit mayroon na tayong isang posibleng paraan upang resolbahin ito na dapat nating ikonsidera.