Ni: Mary Ann Santiago

Panibagong pasanin na naman ang kakaharapin ng mga consumer matapos na ihayag ng Manila Electric Company (Meralco) na magtataas ito ng 86 na sentimo sa kada kilowatt hour (kWh) ng kuryente ngayong Setyembre.

Ayon sa Meralco, ang dagdag-singil ay bunsod ng pagmamahal ng supply ng kuryente na dulot ng pagtaas ng presyuhan sa spot market at paghina ng piso kontra dolyar.

Bukod pa rito, tapos na rin ang hinati-hating refund na ibinigay ng Meralco sa nakalipas na tatlong buwan.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Bunsod naman ng panibagong dagdag-singil sa kuryente, inaasahang madaragdagan ng P172 ang bayarin ng mga kumukonsumo ng 200 kWh bawat buwan, P258 ang dagdag sa mga kumokonsumo ng 300 kWh bawat buwan, P344 sa nakakagamit ng 400 kWh kada buwan, at P430 sa mga kumokonsumo ng 500 kWh kada buwan.

Sinabi naman ng mga opisyal ng Meralco na batay sa kanilang pagtaya, hindi na lalayo sa September rates na P9.249/kWh ang magiging singil sa kuryente hanggang sa katapusan ng taon.