Ni: Reggee Bonoan

SIKAT na si Moi Bien o Moi Marcampo na dating personal assistant (PA) ni Piolo Pascual dahil si Sharon Cuneta lang naman ang kabatuhan niya ng linya ngayon sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha.

Inamin ni Direk Mes de Guzman na pinag-aralan muna at pinanood niya si Moi sa Kimmy Dora movies ni Eugene Domingo. Sa naturang mga pelikula unang napansin ang Pambansang PA ni Piolo.

SHARON AT MOI copy

Silvanas, pasok sa ‘50 best cookies in the world’

Paano siya inalok para sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha?

“Tinext ako, charot!” mabilis na sagot ni Moi. “Tinext ‘yung Cornerstone (management company niya), ganyan, ‘tapos nag-meet kami, okay na kaagad. Hindi na nagdalawang-isip si Ms. Reyes (staff ni Direk Mes).

“’Tapos sabi ni Direk Mes, padalhan ko raw siya ng video, wala akong ‘pinadala, picture lang. Sabi ko, ‘di ko kaya Direk, puwedeng sa shooting na lang (makita ang acting niya).”

“Nu’ng dumating ako sa set,” sabi naman ni Sharon, “do’n ko lang nalaman kung sino ‘yung gaganap na Bebang. Nu’ng sinabing si Moi, sabi ko, ‘ha, ‘yung sa Kimmy Dora? Okay, okay na po.’ Eh, napanood ko ‘yung Kimmy Dora, enjoy na enjoy ako. Kaya wala akong takot.”

Hiningan ng konting kuwento si Moi tungkol sa mga eksena nila ni Sharon.

“Alam ko namang maraming may gustong makaeksena si Madam (Sharon), siguro kapag inagaw nila ‘yung role ko rito, makipagpatayan ako (tawanan ang lahat). Kaya hindi ako nag-post kung sino ang kasama ko, ‘buti talaga hindi kumalat (yung still photos),” sabi ni Moi.

Bakit, sino ang posibleng umagaw ng role na Bebang?

“Tsinugi ko na,” mabilis na sabi ng komedyana. “Sa first day namin, tsinika ko lahat mga kasama ni Madam, okay naman pala. ‘Tapos nakakatuwa kasi sabi ni Madam na ‘ganito gagawin natin, ha?’ So, sabi ko kay Direk , ‘Direk, sabihin mo lang po ano gagawin namin, kami na ang bahala.’

“’Tapos nakakatuwa kasi birthday ko siya ‘yung naghanda, pero sinadya talaga naming sabihin,” sabay baling kay Sharon, “sorry, ha? Sabi sa akin sa set, ‘Huy, di ba, birthday mo bukas?’

“’Tapos sabi ni Madam, ‘Ay, birthday mo, Moi?’ ‘Tapos, hayun pinaghandaan na ako ng litson, ang saya-saya ng birthday ko, first time kong maghanda ng ganu’n, kasi kuripot ako.

“’Tapos nakakatuwa ang fans kasi galing sa malalayong lugar. Sabi ni Penny (staff ni Sharon), hindi pa raw kumakain ang fans, kaya nag-abot ng pera si Madam at pinakain sa (restaurant).”

“Ganu’n naman talaga maski hindi ako co-producer,” sabi ni Sharon, “bawal ang may nagugutom. Ganu’n kasi ang daddy ko kaya nga kami lumaki ng ganito. Saka, Diyos ko naman, ang layu-layo ng nilalakbay ng fans ko, ‘tapos nakatengga lang sila.”

“Nagyaya talaga si Madam,” salo ni Moi, “kasi, di ba, ang tagal maghintay sa set, ‘tapos pagkatapos ng (shooting) saka lang magpapa-picture ‘yung iba. At saka may tent (standby area) kami sa set, pero nu’ng wala na si Madam, wala na, charot! At saka ang sarap ding katrabaho ni Kuya Niño (Muhlach), laging nagpapakain.”

“Gusto kong meron movie si Moi na siya ‘yung star,” sey ni Sharon, “so sana, Tita Malou (Santos) merong movie si Moi.

Puwede ring kasama niya si Empoy (Marquez) para Moi-Poy. Pero basta si Moi, babakas ako, kasi I think she’s ready for her own. Sama niya si PJ (Piolo), sabi ko iba naman, ako naman ang maid niya.

“Parang mas bagay din ‘yung sa kanila ni Piolo na, Ang Lalaking Walang Ginawa Kundi Lumuha.

“Salamat po, Madam,” sambit ni Moi.