ILANG beses na nabanggit ang “Davao Group” sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagpupuslit noong Mayo ng P6.4 bilyon halaga ng shabu sa Bureau of Customs hanggang sa masamsam ang nasabing kontrabando sa pagsalakay sa dalawang bodega sa Valenzuela City.

Sa pagdinig, tumestigo ang customs broker na si Mark Taguba na nagbigay siya ng P8 milyon sa grupo upang mapabilis ang paglalabas ng kanyang kargamento sa customs. Sinabi niyang nagbigay siya ng paunang P5 milyon bilang “enrolment fee” sa isang konsehal sa Davao City, na sinundan ng P1 milyon at P2 milyon sa isang umano’y kumakatawan sa anak at manugang na lalaki ng Pangulo.

Hindi naging malinaw kung natanggap nga ang P8 milyon dahil itinanggi ng mga nabanggit na personalidad mula sa Davao ang akusasyon ni Taguba. Mismong si Taguba ay nagpalabas ng pahayag na nagsasabing hindi niya binanggit na sangkot sa usapin ang anak at manugang ng Pangulo; at posibleng ilang tao lamang ang gumamit sa kanilang pangalan. Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Blue Ribbon ngayong Huwebes, haharap ang magbayaw ngunit hindi inaasahang mayroon silang ipahahayag.

Maisasagawa na rin ng komite ang pagsisiyasat nito sa akusasyon ni Sen. Panfilo Lacson na may kurapsiyon sa Bureau of Customs sa pamamagitan ng tinatawag na “tara” system. Aniya, nakalusot sa customs ang P6.4-bilyon shabu na nasamsam sa Valenzuela City dahil sa sistemang ito ng padulas. Pinangangambahang iba pang kontrabando ng shabu ang nakalusot sa Customs sa nakalipas na mga buwan, na malinaw na kontra sa kampanya kontra droga ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Sakaling magtagumpay ang imbestigasyon ng Senado sa pagbibigay-tuldok sa “tara” system sa Customs, magiging isang malaking bagay ito. Mahaharangan nito ang pangunahing paraan ng pagpasok ng shabu sa bansa.

Tungkol naman sa sinasabing pagkakasangkot ng “Davao Group” sa Bureau of Customs, nangangailangan ito hindi lamang ng masusing atensiyon ng Senado kundi ng mismong Pangulo. Dahil ang anumang may kaugnayan sa Davao ay makaaapekto sa kanya. Sakaling walang basehan ang lahat ng alegasyon at pahiwatig na ito, dapat lamang na malinaw itong makumpirma.

At kung nagkataon namang mayroon talagang ganoong grupo, marapat na mismong ang Presidente ang umaksiyon laban dito dahil sa pagdungis sa pangalan ng kanyang siyudad at sa reputasyon ng mamamayan at mga opisyal nito.