NI: Ni LEONEL M. ABASOLA
Ibinasura ng Commission on Appointment (CA) ang pagkakatalaga kay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael “Ka Paeng” Mariano matapos na tanggihan kahapon ang kanyang kumpirmasyon ng 13 kasapi ng makapangyarihang komite.

Si Mariano ang ikalawang “left-leaning secretary” na pinatalsik ng CA, kasunod ni dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo.
Sina Mariano at Taguiwalo, kasama si Liza Maza, ng National Anti Poverty Commission (NAPC), ay pawang inirekomenda ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) sa gobyerno.
Una nang ibinasura ng CA ang appointment kina Perfecto Yasay, ng Department of Foreign Affairs (DFA), at Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa kanyang muling pagharap sa komite kahapon, sinabi ni Mariano na protektado ang budget ng DAR sa ilalim ng kanyang pamumuno at tiniyak na mapakikinabangan ang mga ito sa mga programang pang-agrikultura.
“Tinitiyak ko na ang DAR, na ako, hindi nag-a-advocate, nag-eendorso, hindi ako susuporta sa illegal activities. As DAR secretary, I do no support, I do not endorse armed struggle,” sabi ni Mariano.
Una nang inihayag ng Davao-based council, na kinabibilangan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Eduardo Año, at Davao City Mayor Sara Duterte ang kanilang pagtutol kay Mariano.
Iginiit ng Davao Regional Development Council at Regional Peace and Order Council (RDC-RPOC) na sangkot si Mariano sa pag-atake ng New People’s Army (NPA) sa mga ari-arian ng pamilya Lorenzo at ng Lapanday properties sa Davao City at Davao del Norte noong Abril 29.