Ni: Yas D. Ocampo

Sinabi ni Pangulong Duterte na ipauubaya na niya sa mga abogado nina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manases Carpio ang pagharap ng mga ito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa usapin ng P6.4-bilyon shabu na lumusot sa Bureau of Customs (BoC) ngayong Huwebes.

Ayon kay Pangulong Duterte, kayang-kaya na ng kanyang panganay at manugang ang kanilang sarili.

Panauhin si Pangulong Duterte sa selebrasyon ng ika-55 anibersaryo ng Metrobank sa Taguig City nitong Martes ng gabi.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ng Pangulo na wala siyang partikular na inaasahan sa magiging pagdalo nina Pulong at Mans sa pagdinig ng Senado.

“No I cannot, because no expectation… I would leave it to the lawyers. Because if I give an expectation, media will begin to speculate—ganoon ‘yan, eh. We have to be very careful. I do not—he has his own lawyer. He’s about 38/37 years old. He’s old enough to know, and he can take care of his problem. I do not speculate, I do not give him advice, I just said ‘Eh, kung wala ka talagang kasalanan, ba’t hindi ka pumunta doon?’”

Una nang kinumpirma ng bise alkalde at ng asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na dadalo sila sa imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee para sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong Huwebes.

Nadawit ang magbayaw sa umano’y smuggling sa BoC makaraang mabanggit ng broker na si Mark Taguba ang kanilang mga pangalan sa serye ng pagdinig ng Senado sa isyu.

Idinawit din ni Taguba ang pangalan ni Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera, Jr. sa umano’y mga transaksiyon niya sa BoC.

Gayunman, kalaunan ay binawi ni Taguba ang kanyang pahayag tungkol sa magbayaw at humingi pa ng paumanhin sa mga ito.