Ni: Aris Ilagan
‘ETO na naman tayo!
Nagsisimula nang patugtugin sa iba’t ibang shopping mall ang mga pamaskong awitin ni Jose Mari Chan.
Let’s sing Merry Christmas and a happy holiday.
This season may we never forget the love we have for Jesus.
Let him be the one to guide us as another new year starts.
And may the spirit of Christmas be always in our hearts!
Ang sarap talagang awitin, nakagagaang ng damdamin.
Maging sa ilang istasyon ng radyo ay mayroon nang kanya-kanyang Christmas countdown bagamat mauuna munang gunitain ang Todos los Santos sa Nobyembre 1.
Bakit ba kayo nagmamadaling iparamdam ang Pasko?
Bagamat maganda nga na gawin nating araw-araw ay Pasko, hindi naman dapat ito gawing tulay para sa komersiyalismo.
Sa ilang morning TV show, andyan ang pagpapatugtog ng Christmas songs sabay ng plugging ng magagandang regalo sa mga inaanak.
Ang kanilang karaniwang mensahe: Maagang mag-shopping upang makaiwas sa pagkataranta sa Christmas rush.
Kaya ‘wag na kayong magtaka kung bakit patindi na nang patindi ang traffic tuwing papasok ang Setyembre, na simula ng ‘ber’ months.
Dahil sa komersiyalismo na isinusulong ng mga negosyante, bumubuhos naman ang tone-toneladang kalakal sa Metro Manila.
Ito na ang simula ng panahon sa pag-iimbak ng supply ng mga ibebenta sa pagpasok ng Kapaskuhan.
Ito na rin ang panahon ng pamamayagpag ng mga dambuhalang cargo truck at delivery van sa lansangan.
Habang paulit-ulit na ipinatutugtog ang mga Christmas song at ibinabandera ang mga Christmas gift sa telebisyon at radyo, palala naman nang palala ang traffic.
Imbes na maghatid ng mga makabuluhang mensahe hinggil sa disiplina sa lansangan, nauubos ang airtime ng mga istasyon ng TV at radyo sa pagsusulong sa mga kalakal.
Makabubuti sana kung katambal ng mga tugtog ng Kapaskuhan ay ang paalala sa mga motorista na sumunod sa batas trapiko.
Makabubuti rin kung ang mga nakakikilig na awit ni Jose Mari Chan ay may kaakibat na mensahe na magpapalamig sa ulo ng mga motorista habang naiipit sa traffic, at hindi lamang puro produkto ang binabanggit.
Ang pamamahayag ang serbisyo publiko, ‘di ba?
Hindi naman sinasabi ni Boy Commute na itigil n’yo ang pagpapaalala ng papalapit na Kapaskuhan. Ituloy n’yo lang ‘yan, subalit sabayan n’yo naman ito ng mga paalala sa road discipline.
Hindi n’yo ba napapansin na kahit ilang ulit n’yong patugtugin ang Christmas song ay nakasimangot pa rin ang mga commuter? Kayo kaya ang maipit ng mahabang oras sa traffic?