Ni: Marivic Awitan

PINADAPA ng Arellano University ang Jose Rizal University , 3.5-.5, upang makopo ang pang -apat at huling Final Four seat sa 93rd NCAA senior chess competition nitong weekend sa Lyceum of the Philippines University Auditorium.

Nanalo sina Don Tyrone Delos Santos, Kyz Llantada at Jeremy Lorenz Parado sa boards 1,2 at 4 habang naka draw naman si Carlo Caranyagan kay Marc Kenneth Lomio sa board 3 upang ihatid ang Chiefs sa semis sa natipong 21 puntos.

Sinundan nila ang mga naunang semifinalists na kinabibilangan ng defending champion San Beda, Lyceum at St. Benilde na may 27, 24 at 22 puntos ayon sa pagkakasunud.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ginapi ng San Beda ang San Sebastian, 3-1, para manatiling nangingibabaw habang nablangka ng Lyceum at Mapua, 4-0, upang manatiling nakaagapay sa liderato.

Nabigo naman ang St. Benilde sa Letran, 1.5-2.5, kaya bumagsak sila sa third spot.

Sa juniors division, iginupo ng San Beda ang San Sebastian, 3.5-.5, upang umabante sa Final Four taglay ang 23.5 puntos habang sumunod naman ang Letran matapos ang 2.5-1.5 panalo kontra St. Benilde.

Namayani rin ang Perpetual Help kontra Emilio Aguinaldo College, 4-0, habang tinalo ng Arellano University ang Jose Rizal, 3.5-.5, upang makausad din sa Final Four bitbit ang 20.5 at 20 puntos ayon sa pagkakasunod.