Ni: Bella Gamotea

Dalawa ang patay habang isa ang sugatan sa pag-atake ng mga hindi pa nakikilalang armado, sakay sa tricycle at motorsiklo, sa Makati City kamakalawa.

Dead on the spot si Christopher Pabalan y Sebastian, alyas Tope, 42, ng No. 3369 Masangkay Street, Barangay Tejeros, Makati City, na nagtamo ng mga bala sa katawan.

Binawian naman ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Sta. Ana Hospital si Yancy Millamina y Bitara, 24, ng No. 1058 Adora St., Bgy. Tejeros ng lungsod, na nagtamo rin ng mga bala sa katawan.

‘Kaway-kaway mga trentahin at kwarentahin!’ Sikat na Pinoy chocolate, magbabalik na!

Isinailalim naman sa operasyon sa Makati Medical Center ang nadamay na si Christian Leonardo y Lambinicio, 19, estudyante ng Centro Escolar University, ng Sandico St., Bgy. Tejeros, Makati City, na nagtamo ng ilang bala sa tiyan at hita.

Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang pamamaril sa Masangkay St., malapit sa kanto ng Sandico St., Bgy. Tejeros, dakong 9:30 ng gabi.

Ayon sa tiyuhin ni Pabalan, si Ruben Sebastian, nakaupo siya sa tapat ng kanilang bahay, malapit sa pinangyarihan ng insidente, nang marinig ang sunud-sunod na putok ng baril at agad niyang pinuntahan ang pinagmulan.

Nakita ni Sebastian ang ilang armadong lalaki na malapitang binabaril ang kanyang pamangkin hanggang sa duguang bumulagta sa bangketa.

Hindi pa nakuntento, muling binaril ng isa pang suspek si Pabalan, saka tinangay ang bag ng biktima at tumakas kasama ang ilang suspek.

Nabatid na magkasamang naglalakad sina Millamina at Leonardo habang nasa likuran nila si Pabalan nang umatake ang mga suspek.

Ayon sa mga testigo, aabot sa anim na armado, na sakay sa isang tricycle at dalawang motorsiklong hindi naplakahan, ang kanilang namataan.

Narekober sa pinangyarihan ang 23 basyo, dalawang fired slug at limang metallic jacketed bullet ng .9mm baril.

Napag-alaman na minsan nang nakulong si Pabalan dahil sa ilegal na droga at kabilang sa drug watch list ng pulisya.