NI: Manny Villar
ANO ang tawag ninyo sa isang ina na napilitang iwan ang kanyang pamilya sa Pilipinas para kumita sa ibang bansa sa pag-aalaga ng ibang tao?
O ang isang ama na tinitiis ang kalungkutan at hirap ng paghahanapbuhay sa ibang bansa upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mga mahal sa buhay?
Ang tawag sa kanila ay overseas Filipino workers (OFW) o manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.
Ang tawag ko sa kanila ay mga bayani.
Marami na tayong narinig na mga kuwento—may malungkot at may masaya—tungkol sa mga bagong bayaning Pilipino at kanilang pamilya, na pinagsisikapan nilang mabigyan ng magandang kinabukasan. Nakababagbag sa puso ang dalawang kuwento na matutunghayan sa social media account ng aming Camella Homes.
Ang isa ay tungkol kay Carding, na nagtiis ng hirap at dumanas ng panghihiya at kung minsan ay hindi makataong pagtrato habang nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang nagbibigay ng lakas sa kanya ay ang larawan ng kanyang maybahay at anak, at ang pangarap na magkakaroon sila ng magandang kinabukasan.
Ngunit sa kanyang pagbabalik, natuklasan niya na nawala na ang kanyang pamilya, at may iba nang gumaganap sa kanyang papel. Gayunman, nagsikap pa rin siyang bumangon at gaya ng marami nating matatapang na bayani, muling hinarap ang bagong kinabukasan.
Ang kuwento naman ng isang ina ay ang pagkabigo ng inaasahang maligaya at puno ng pagmamahal na pagsalubong sa kanyang pag-uwi ng kanyang pamilya, ngunit ang tingin pala sa kanya ay tapagpadala lamang ng salapi.
Inaanyayahan ko ang lahat na panoorin ang mga video ng buhay ng mga OFW sa Facebook page ng Camella Homes. Pagkatapos kong panoorin ang mga ito, lumakas ang paniniwala ko sa diwa ng isang Pilipino.
Saksi rin ako sa katapangan at kabayanihan ng mga OFW dahil ang una kong napagbilhan ng bahay at lupa ay asawa ng isang OFW, si Mrs. Magtibay, na ipinagkatiwala sa akin ang pinaghirapang salapi ng kanyang asawang seaman upang magkaroon sila ng sariling tahanan bilang pamilya.
Mula noong 1975, inialay ko ang pagiging entrepreneur upang matiyak na mabibigyan ang mga OFW ng sariling tahanan, at kinabukasan na kanilang babalikan pagkatapos magtrabaho sa ibang bansa.
Ang mga OFW ang ating makabagong bayani, at nais nating maipakita sa kanila na nauunawaan natin ang kanilang mga pinagdaanan, maging ang kanilang mga naging suliranin dahil sa pagkakalayo sa kanilang pamilya.
Sa ganitong paraan, matututuhan nating tanawing utang na loob ang kanilang kontribusyon maging sa kabuhayan ng bansa.
Nais din nating sabihin sa kanila na sa kabila ng kanilang mga problema, namamalagi ang pag-asa sa magandang kinabukasan.
Noong Agosto 28, ipinagdiwang natin ang Pambansang Araw ng mga Bayani. May tanging araw tayong inilalaan para kina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Mayroon din tayong Araw ng mga Ama, Araw ng mga Ina, Araw ng mga Guro at mayroon pa tayong Pambansang Araw ng mga Alaga.
Kailan naman ang Araw ng mga Manggagawang Pilipino sa Ibayong Dagat o Overseas Filipino Heroes Day?
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)