ANG proseso ng impeachment ay pulitikal, higit pa sa anumang may kinalaman sa hudikatura.
Nakasaad sa Section 2 ng Article XI, Accountability of Public Officers, ng Konstitusyon ng Pilipinas: “The President, the Vice President, the Members of the Supreme Court, the Members of the Constitutional Commissions, and the Ombudsman may be removed from office on impeachment for, and conviction of, culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust…”
Kinakailangan ang boto ng sangkatlong bahagi ng mga kasapi ng Kamara de Representantes upang maisulong ang reklamo sa Senado, kung saan kinakailangan naman ang boto ng two-thirds ng mga miyembro nito upang maibaba ang hatol.
Napatalsik ng Kongreso sa puwesto si Pangulong Joseph Estrada noong 2000, ngunit hindi nakumpleto ang paglilitis sa kanya sa Senado dahil naunahan na ito ng People Power 2. Na-impeach din ng Kongreso si Ombudsman Merceditas Gutierrez noong 2011, ngunit nagbitiw na siya sa puwesto bago pa man simulan ng Senado ang paglilitis sa kanya. Gayundin, na-impeach ng Kongreso si Supreme Court Chief Justice Renato Corona at nahatulan ng Senado noong 2012 dahil sa “betraying the public trust” at “culpable violation of the Constitution” — dahil sa kabiguan niyang maideklara nang buo ang kanyang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Nagkaroon ng mga hakbangin upang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte ngunit tinanggihan ito ng House Committee on Justice dahil sa “lack of substance”. Wala namang kongresistang nag-endorso sa isa pang reklamong inihain laban kay Vice President Leni Robredo, gaya ng itinatakda ng Konstitusyon. Naghihintay naman ngayong aksiyunan ng Kongreso ang mga reklamo ng impeachment laban kina Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema, at Commission on Elections Chairman Andres Bautista.
Kabilang sa maraming article sa mga reklamo laban kina Sereno at Bautista ang iisang alegasyon — ang kabiguang kumpletong maiulat ang lahat ng kanilang ari-arian sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), na nagkataong nag-iisang akusasyon na nahatulan si Chief Justice Corona noong 2012. Kung kasong panghukuman ang mga ito, ang pagkakahatol kay Corona ay masasabing halimbawa.
Ngunit gaya ng binigyang-diin na, ang impeachment ay isang prosesong pulitikal kaysa judicial, at ang desisyon ay nakasalalay, hindi sa mga hukom, kundi sa mga pulitiko. Ang mayorya sa Kamara ngayon ay binubuo ng mga miyembro ng partido ng Pangulo, ang PDP-Laban, habang namamayani naman sa Senado ang maka-administrasyong super-majority.
Kapag nagsimula na ang proseso ng impeachment laban kina Sereno at Bautista, mapakikinggan natin ang mga debate sa mga usaping may kaugnayan sa mga probisyon ng batas. Higit sa lahat, dapat na handa tayong tanggapin ang desisyon, anuman ang maging kahihinatnan nito, ay isang pasyang pulitikal.