Ni: Bella Gamotea

Inihayag kahapon ni U.S. Ambassador to the Philippines Sung Kim na magkakaloob ng P730 milyon ($14.3 million) emergency relief at recovery assistance ang gobyerno ng Amerika, sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID) ng U.S. Embassy, para sa mga apektadong komunidad sa patuloy na bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.

Ito ang ibinalita ni Ambassador Kim sa isang media engagement sa U.S. Embassy sa Maynila.

“The United States is deeply committed to this relationship and remains ready to support our friend and ally as we face the challenges and opportunities. We all look forward to the end of the crisis, and the end of the fighting and suffering. We have been and will continue to support the Philippine government’s efforts to deal with the crisis,” pahayag ni Kim.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Makikipag-ugnayan ang gobyerno ng Amerika sa pamahalaan ng Pilipinas at sa humanitarian organizations sa lugar para sa pagdadala ng mahahalagang relief supplies, tulad ng maiinom na tubig, hygiene kits, kitchen sets at mga gamit sa bahay na magpapagaan naman sa kondisyon sa mga evacuation center at sa iba pang alternatibong pabahay.

Bukod dito, magkakaloob din ang USAID ng 18 pasilidad sa Marawi na may mahahalagang supply at serbisyo upang tugunan ang tuberculosis (TB), gayundin ang mga pangangailangang pangkalusugan ng mga bagong panganak at ng mga sanggol.

Tutulong din ang USAID sa pagbangon ng Marawi upang ibalik ang mga karaniwang serbisyo sa publiko, tulad ng pangangalaga sa kalusugan, tubig at kuryente.

Susuportahan din nito ang longer-term stabilization and rehabilitation sa Marawi kabilang na ang paglulunsad ng pangkabuhayan, dayalogo sa komunidad, muling pagtatayo ng matibay na health systems, at mag-aalok ng skills training at psychosocial counseling sa kabataan.