Ni: Lyka Manalo
BATANGAS - Pinatawan ng 90 araw na suspension without pay ang isang konsehal ng bayan dahil sa umano'y pagmumura nito at hindi magandang inasal habang nasa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Lipa City, Batangas.
Sa 10-pahinang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Committee En Banc nitong Lunes, napatunayang guilty si Talisay Councilor Florencio Pesigan sa conduct unbecoming of a public officer, habang ibinasura naman ang kasong grave abuse of authority laban sa kanya.
Matatandaang sinampahan ng kaso ni DFA Lipa Director Jesusa Nancy Garcia si Pesigan dahil sa inasal nito nang hindi kaagad napagbigyang mailabas ang pasaporte nito dahil hindi pumila noong Hulyo 19, 2016.
“Being a legislator, a town councilor, an elected official, respondent is expected and required by law to conduct himself both publicly and publicly in a manner that would not besmirch the office he holds and represents. His conduct evidently falls within the realm of unbecoming a public officer,” saad sa desisyon.
Oktubre nang isinampa ang kaso subalit isang beses lamang dumalo sa hearing ang konsehal at hindi na tumugon sa reklamo, at sa halip ay lumiham sa SP para ibasura ang kanyang kaso dahil wala umanong due process, pero hindi siya pinagbigyan.
Nakasaad din sa desisyon na ibinasura ang grave abuse of authority laban kay Pesigan dahil hindi konektado sa posisyon nito ang kanyang ginawa.