Ni: Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 n.h. -- TNT vs Meralco
7:00 n.g. – SMB vs ROS
MAKABALIK sa pedestal ang tatangkain ng Meralco Bolts sa pakikipagtuos sa Talk ‘N Text Katropa ngayon sa 2017 PBA Governors Cup elimination sa Araneta Coliseum.
Napahiwalay sa dating co-leader Ginebra (6-1) matapos ang panalo sa Star Hotshots nitong Linggo, puntirya ng Bolts (5-1) na makabalik muli sa kinalalagyan.
Nakatakda ang laro ng Bolts at Katropa sa 4:15 ng hapon na susundan ng salpukan ng San Miguel Beer at Rain or Shine ganap na 7:00 ng gabi.
Huling nagwagi ang Bolts kontra Phoenix noong Agosto 18, 107-106, matapos putulin ng NLEX noong Agosto 13 ang nasimulan nilang four-game winning streak.
Sa panig ng Katropa, magkukumahog itong makabalik sa winning track matapos ang natamong ikatlong kabiguan sa pitong laro sa kamay ng Globalport nitong Sabado, 112-119.
Sa tampok na laro, magtatangka ring bumangon ang San Miguel Beer sa natamong ikatlong kabiguan sa anim na laro nang sopresahin ng Alaska Aces.
Para sa Rain or Shine, magtatangka naman silang kumalas mula sa pagkakabuhol sa ikaapat na puwesto kasama ang Star (4-2).