Ni: Rommel P. Tabbad
Hindi nagbago ang lakas ng bagyong 'Kiko' matapos na pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) nitong Lunes ng gabi.
Batay sa weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), napanatili ng bagyo ang lakas nito sa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong 65 kph.
Huling namataan ang mata ng bagyo sa layong 345 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora at binabagtas ang kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Isinailalim naman ng PAGASA sa public storm warning signal (PSWS) No. 1 ang Cagayan, Ilocos Norte, Apayao, Batanes at Batanes Group of Islands.
Sa taya ng ahensiya, ngayong Miyerkules ng umaga ay matutukoy ang sentro ng Kiko sa layong 60 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan.
Paliwanag pa ng PAGASA, kung hindi magbabago ang direksiyon ng bagyo ay inaasahang lalabas na ito ng PAR ngayong gabi.