Ni FER TABOY
Ginawaran kahapon ng Medalya ng Kagalingan ng Police Regional Office (PRO)-6 ang 32 pulis na nasa likod ng operasyon laban sa napatay na pangunahing drug lord sa Western Visayas na si Richard Prevendido at anak nito.
Ayon kay PRO-6 director Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, dahil sa ipinakitang exemplary performance ng kanyang mga tauhan ay binigyan niya ng pagkilala ang 32 pulis na nanguna sa matagumpay na operasyon, na nakapatay sa matagal nang wanted na si Prevendido.
Nasawi rin sa operasyon ang anak ni Prevendido na si Jason.
Ang mga ginawaran ng medal of merit ay kasapi ng Regional Intelligence Division, Iloilo Police Provincial Office (IPPO), Special Weapons and Tactics Team (SWAT) ng Iloilo City Police Office (ICPO), at Jaro Police.
Sinabi naman ni Governor Arthur Defensor na bibigyan ng cash reward ang 32 pulis na nakibahagi ng operasyon, sa bisa ng resolusyong ipapasa ng Sangguniang Panglalawigan.