Nina ROMMEL TABBAD at AARON RECUENCO, May ulat nina Beth Camia at Leonel Abasola

Nanawagan kahapon sa Philippine National Police (PNP) ang Public Attorney’s Office (PAO) na itigil na ng mga pulis ang umano’y pagpatay sa mga inosente sa sinabi nitong iisang “style” ng pamamaslang.

Public Attorney Office Chief Persida Acosta assist the mother and sister of 19 year old Carl Angelo Arnaiz who was alleged tortured and killed by Caloocan police to file case in Department of Justice, Manila. Carl Angelo Arnaiz  was found on a morgue in Caloocan after he was gone missing for 10 days. (photo by ali vicoy)
Public Attorney Office Chief Persida Acosta assist the mother and sister of 19 year old Carl Angelo Arnaiz who was alleged tortured and killed by Caloocan police to file case in Department of Justice, Manila. Carl Angelo Arnaiz was found on a morgue in Caloocan after he was gone missing for 10 days. (photo by ali vicoy)

Ito ang naging apela ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta kaugnay ng pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz, 19, dating estudyante ng University of the Philippines (UP), at residente ng Cainta, Rizal.

Human-Interest

Mag-asawang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, pinagtapos naman ang 9 na anak!

Ayon sa pulisya, napatay si Arnaiz matapos umanong manlaban kasunod ng panghoholdap sa isang taxi driver sa Caloocan City nitong Agosto 17.

ORAS LANG ANG PAGITAN

Sinabi ni Acosta na kung bibilangin ay oras lamang ang pagitan ng pagpatay kay Arnaiz at kay Kian Loyd delos Santos, 17, noong Agosto 16 ng gabi, sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan.

“Ang punto dito, buhay ito, eh. Bakit ganito ang pattern, parang may pagkakahalintulad ito kay Kian? Magkasunod po halos ito. Oras lang din ang pagitan niyan kung bibilangan ang dalawang ‘yan,” sabi ni Acosta.

“‘Yung mga miyembro po ng pulis, hindi po kayo lahat kagaya nila. Ilan lang po sila. Hulihin n’yo po ‘yung mga ganitong kasama ninyo. Kayo po ay maglinisan sa inyong rank,” apela ni Acosta sa PNP.

Paliwanag ni Acosta, batay sa post-mortem analysis ng PAO ay posibleng tinorture ng mga pulis si Arnaiz bago ito ilang beses na binaril.

Lumabas din, aniya, sa kanilang forensic examinations na maaaring nakaluhod o nakadapa na si Arnaiz nang barilin ng mga pulis.

Pinuna rin nina Senators Sonny Angara at JV Ejercito ang mistulang pagkakapareho ng insidente sa pagpatay sa dalawang teenager.

“The PAO (Public Attorney’s Office) reports an execution type of killing with bullet wounds in the back. This is simply unacceptable,” saad sa text message ni Angara. “We should teach our police proper law enforcement and that their role is to bring suspects to justice and not be executioners. We don’t need killing machines we need speedy fair and efficient justice machines that people can trust, and don’t fear.”

PNP CHIEF DUMEPENSA

Gayunman, nilinaw ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na hindi dapat na pagkumparahin ang mga kaso nina Arnaiz at delos Santos dahil magkaiba ito, bagamat mga pulis-Caloocan na naman ang sangkot sa pagpatay.

Ayon kay dela Rosa, walang kinalaman sa droga ang kaso ni Arnaiz.

“That is a case of police response. The police responded because a taxi driver was held up. When he was held up, he reported the incident to the police,” sabi ni dela Rosa.

NBI MAG-IIMBESTIGA

Iniutos na ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ang pagsibak sa lahat ng pulis na sangkot sa pagkamatay ni Arnaiz.

Samantala, ipinag-utos na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkamatay ni Arnaiz.

Nagpaalam lamang na bibili ng midnight snack noong gabi ng Agosto 17, ilang araw na nawawala si Arnaiz hanggang matagpuan siya ng kanyang pamilya noong Agosto 28 na isa nang bangkay, sa isang morgue sa Caloocan.

Nawawala pa rin ang 14-taong gulang na si Reynaldo de Guzman, na kasama ni Arnaiz nang magpaalam na aalis noong Agosto 17.