NI: Franco G. Regala
IBA, Zambales – Pinagbabaril kahapon ng umaga ng dalawang armadong suspek ang sasakyang kinalululanan ni San Felipe, Zambales Mayor Carolyn Senador Fariñas at dalawang iba pa, na ikinasugat ng driver nito.
Hindi naman nasugatan si Fariñas, 52, biyuda, sa insidente na nangyari bandang 7:50 ng umaga sa Mendaros Street sa Barangay Faranal sa San Felipe. Hindi rin nasaktan ang tauhan niyang si John Ray Ramil Feria, 23 anyos.
Nasugatan naman sa mukha ang driver ng alkalde na si Raul Rosete, 50, dahil bandang kaliwa ng sasakyan ang pinagbabaril ng mga suspek.
Batay sa imbestigasyon ng San Felipe Police, sakay ang grupo ng alkalde sa government vehicle, isang Toyota Innova (SHW-625), at nagbibiyahe sa Mendaros Street patungong national highway nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan ng dalawang hindi nakilalang suspek na lulan sa berdeng Kawasaki Fury motorcycle.
Nagtamo ng apat na tama ng bala ang kaliwang bahagi ng Innova at isa pa sa bahagi ng driver.
Inabandona ng mga suspek ang motorsiklo at sumakay sa isang tricycle.
Ayon sa 18-anyos na tricycle driver na testigo sa insidente, sinabi umano ng mga suspek na mga kasapi sila ng New People’s Army (NPA) at pinagbantaan pa nga umano siya.
Sinabi ng driver na isa sa mga suspek ay may taas na 5’5” hanggang 5’7”, malaki ang katawan at nakasuot ng short pants at sando; habang ang isa pa ay nasa 5’2” hanggang 5’4” ang taas, payat, nakasuot ng short pants at T-shirt.
Nasa pagitan ng 30-35 ang edad ng dalawa.