Ni: Marivic Awitan

NAKABAWI ang San Beda College sa kabiguang natamo sa third set upang makopo ang panalo kontra Technological Institute of the Philippines, 25-13, 25-18, 25-27, 25-13, nitong Linggo sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Apat na Lady Red Spikers ang tumapos na may double-digit, sa pamumuno ni Cesca Racraquin na nagtala ng game-high 19 puntos.

Ayon kay head coach Nemesio Gavino, ang naging pagbaba ng laro ng San Beda sa third set ay tila nagiging gawi ng kanyang koponan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Kasi ‘yan ‘yung sakit namin kapag nakuha ang game, nakita na kaya ang kalaban, nag-rerelax na. So ‘yun ang kailangan i-improve ng team,” ani Gavino. “Medyo na-excite lang ang mga bata kasi PVL medyo mataas na liga.”

Maliban sa third set, kontrolado ng San Beda ang laro na makikita sa double digit nilang kalamangan.

Tumapos ang Lady Red Spikers na may 60 spikes, pitong blocks at walong aces habang nagposte lamang ang Lady Engineers ng kabuuang 41 puntos mula sa nabanggit na tatlong aspeto ng laro.

Nagtapos na topscorer para TIP si middle blocker Alyssa Layug na may 13 puntos.